• January 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

AFP, PNP tiniyak ang mahigpit na seguridad, walang banta bago pa ang ASEAN SUMMIT

TINIYAK ng mga awtoridad na maayos na ginagawa ang ‘security preparations’ para sa nalalapit na pagho-host ng Pilipinas para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ngayong taon.
Sa katunayan, ganap na ang kahandaan ng lahat ng ahensiya ng gobyerno para ipatupad ang komprehensibo at ‘coordinated’ na safety measures.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa press briefing sa Malakanyang na kasalukuyang walang namo-monitor na pagbabanta sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN-related activities, kasunod ng ekstensibong koordinasyon sa ibang law enforcement agencies.
WInika pa ni Nartatez na ang PNP, kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at local government units, ay patuloy na ina-assess ang posibleng security risks.
“Ang ating kinokonsidera ay ang different threats that will affect the activities. As of now, upon our coordination, hindi lang ang PNP, other law enforcement units, even the AFP, PCG, and our communities, wala tayong nakukuhang or nakalap na threats with regards to the conduct of ASEAN,” ayon kay Nartatez.
Sinabi pa ni Nartatez na naghanda na rin ang mga awtoridad noong nakaraang taon upang masiguro na ligtas ang ASEAN-related activities sa bansa.
“So, in coordination with other law enforcement agencies, the AFP, and of course nandiyan din ang ating local government units, we are ready now to implement or go with our security operations for ASEAN,” aniya pa rin.
Samantala, ang 48th ASEAN Leaders’ Summit ay magaganap sa May 8 hanggang 9 sa Cebu, magsasama-sama rito ang mga lider mula sa 11 ASEAN member-states: Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, Timor-Leste, at Vietnam.
Bago matapos ang taon, ang 49th ASEAN Leaders’ Summit ay nakatakda naman sa November 10 hanggang 12 sa Maynila, sa bagong renovated na Philippine International Convention Center (PICC).
Sa kabilang dako, sinabi naman ni AFP Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Rommel Roldan na magbibigay ang military ng buong suporta sa PNP, na mangunguna sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng pagho-host ng bansa sa ASEAN-related activities.
Tinuran ni Roldan na binigyan na ng marching orders ang mga tropa na palawigin ang lahat ng kinakailangang tulong sa PNP para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga kaganapan, idagdag pa na nakaayos na rin ang mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng dalawang puwersa.
“Nabigyan na ng marching orders ang inyong kasundaluhan na ibigay ang kailangang suporta ng ating kapulisan, as far as the security aspect of the ASEAN related activities for this year na tayo ang host. So mayroon na iyang koordinasyon with the PNP,” ayon kay Roldan.
Samantala, sinabi ni Nartatez na ang special “ASEAN lanes” ay ipatutupad para sa magiging galaw ng VIPs sa panahon ng ASEAN-related activities sa Maynila, kahalintulad ng kaayusan na ginawa sa mga nakalipas na summits.
Ang paliwanag pa ni Nartatez na ang dedicated lanes ay bahagi ng pagsisikap para mas paghusayin pa ang security operations at tiyakin ang ligtas, maayos at episyenteng pagbibyahe ng mga delegado at mga opisyal. (Daris Jose)