Administrasyong Marcos, magkakaloob ng mas maraming PTVs sa mga lungsod at munisipalidad
- Published on August 19, 2025
- by @peoplesbalita
NAKATAKDANG magbigay ang gobyerno ng mas maraming patient transport vehicles sa mga lungsod at munisipalidad bago matapos ang taon.
Ipinangako ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos pangunahan ang distribusyon ng patient transport vehicles (PTVs) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa Eastern Visayas sa Ormoc City, Leyte.
Winika ng Pangulo na ang ‘second round’ ng distribusyon ay tinitingnan bago matapos ang 2025.
”Out of the 1,642 cities and towns, we have been able to give away 1,173 na PTV so malapit na… pinapangako sa akin ni Mel, ang ating GM, that by the end of the year, we will start already the second round,” ang sinabi ng Pangulo.
”Kasi pag natapos na namin, mag-100% na lahat itong 1,642 na bayan at saka lungsod, babalikan din namin,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, may kabuuang 124 ambulansiya ang ipinamahagi sa iba’t ibang munisipalidad at lungsod sa Region VIII, partikular na sa Biliran, Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Southern Leyte, at Leyte.
Ang bawat patient transport vehicle ay mayroong essential medical tools, kabilang na ang stretcher, oxygen tank, blood pressure monitor, at iba pang suplay para sa mga pasyente. ( Daris Jose)