Abusadong Department Heads at Bureau Chiefs, sisibakin
- Published on June 16, 2025
- by @peoplesbalita
GUGULONG ang ulo ng mga Department Heads at Bureau Chiefs na umabuso sa tungkulin.
Habang ang mga naglilingkod ng tama at maayos sa Manila City Hall na mga kasalukuyang pinuno ng mga kagawaran at kawanihan ay mananatili sa kanilang tungkulin.
Ito ang babala ni incoming Mayor Isko Moreno Domagoso na may kalalagyan ang mga namumuno sa mga tanggapan na garapal ang gawain at hindi maayos ang pamamalakad bukod pa sa nagpapahirap sa mga mamamayang Manileno.
Nilinaw din ng incoming mayor na hindi mawawalan ng trabaho ang mga career service official na nakapasa sa panuntunan.
Ayon kay Domagoso, maaaring malipat lamang sa ibang tanggapan kung saan angkop ang kanilang kaalaman dahil mayroon silang security of tenure sa ilalim ng Civil Service Law.
Ang babala ni Domagoso ay sa harap ng mga natuklasang sikreto, ilang linggo bago pa man opisyal na maupo sa puwesto bilang bagong alkalde ng Maynila.
Sa sandaling maupo na sa Manila City Hall si Domagoso, tiyak na may makikita nang malaking pagbabago sa kanyang panunungkulan sa loob ng 100 araw. (Gene Adsuara)