• November 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: November 22, 2025
    Current time: November 22, 2025 9:57 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

ABALOS, PINURI ANG PASIG RTC SA HATOL NA GUILTY KAY DATING BAMBAN MAYOR ALICE GUO

NAGPAHAYAG ng kanyang papuri si dating Secretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa desisyon ng Pasig Regional Trial Court na nahatulang guilty ang dating alkalde ng Bamban na si Alice Guo sa kasong qualified trafficking. Si Abalos ang personal na nanguna sa operasyon upang matunton at maibalik si Guo mula sa Indonesia noong nakaraang taon.

Napatunayang nagkasala si Guo sa mga kriminal na gawain na natuklasan sa isang ilegal na POGO complex sa Bamban, Tarlac.

Ayon kay Abalos, ang hatol ay patunay na ang buwan-buwang pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan upang maiharap si Guo sa korte “ay hindi nasayang.”

Noong Setyembre 5, agad na lumipad patungong Jakarta, Indonesia sina Abalos at noo’y PNP Chief Francisco Marbil matapos lumitaw si Guo doon matapos ang ilang buwang pagtatago. Nakipag-ugnayan at nakipagkasundo sila sa mga matataas na opisyal ng Indonesia, na nagresulta sa pagkakaaresto ni Guo at sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.

“Ako at si Gen. Marbil ay nakipagtulungan nang malapitan sa mga mataas na opisyal ng Indonesia upang matiyak ang kanyang pag-aresto at maibalik siya rito upang harapin ang batas,” ani Abalos.

Ang operasyon ay kalaunan ding naging tampok ng usapan sa publiko matapos kumalat ang isang litrato nina Abalos, Marbil, at Guo dahil sa posisyon ni Guo sa larawan. Ipinaliwanag ni Abalos na ang kuha ay bahagi ng karaniwang dokumentasyon matapos hilingin ni Guo na makausap ang mga awtoridad hinggil sa umano’y mga banta sa kanyang buhay. Isa lamang ito sa maraming larawan na kinunan sa proseso, at giit ni Abalos, hindi niya namalayan ang posisyon ni Guo sa partikular na kuha na naging viral.

“Ang hatol ay nagpapakita na tinupad ng DILG at PNP ang kanilang mandato, kumilos nang walang kinikilingan, at tiniyak na ang proseso ng hustisya ay dumaan sa buong yugto hanggang sa hatol na ating nasasaksihan at ipinagdiriwang ngayon,” wika ni Abalos, isang abogado at multi-awarded na dating alkalde ng Lungsod ng Mandaluyong. (PAUL JOHN REYES)