• March 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gobyerno handa na sa pagbabakuna

Tiniyak kahapon ng Malacañang na nakahanda na ang gobyerno sa gagawing pagbabakuna laban sa COVID-19 sa susunod na linggo.

 

 

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang unang batch ng bakuna mula sa COVAX facility ay darating sa kalagitnaan ng Pebrero.

 

 

Ilang tulog na lang aniya ay magsisimula na ang vaccination drive na napaghandaan naman ng gobyerno.

 

 

“Ilang tulog na lang, mga kaibigan, at dadating na ang unang batch ng ating bakuna. Ready or not, handang-handa po ang ating gobyerno para magsimula ang ating vaccination drive itong ika-15 ng Pebrero,” ani Roque.

 

 

Nilinaw din ni Roque na maisasagawa kaagad ang pagbabakuna isa o dalawang araw pagkatapos duma­ting ng suplay sa bansa.

 

 

“It’s just a matter of when the plane carrying the Pfizer vaccines will actually land in NAIA (Ninoy Aquino International Airport),” ani Roque.

 

 

Ang mga health workers ang nangunguna sa listahan ng mga bibigyan ng bakuna.

 

 

Aabot sa 10 milyong doses ng COVID-19 vaccine ang makukuha ng Pilipinas sa COVAX facility sa unang quarter ng taon kabilang na ang 117,000 doses ng Pfizer vaccine.