SIMULATION, GAGAWIN SA AIRPORT
- Published on February 9, 2021
- by @peoplesbalita
MAGSASAGAWA ng simulation sa airport ang Department of Health (DOH) bukas kasama ang tatlong malalaking ospital bilang paghahanda sa darating na mga bakuna na dadalhin sa mga storage facility o vaccine hub.
Ayon kay Usec Maria Rosario Vergeire, mula sa paliparan dadaan sa clearance mula sa Bureau of Customs (BOC) bago ito ilabas kung saan may naghihintay nang transport vehicles na nakatalaga.
Sinabi pa nito na sa ginagawang plano aniya ngayon para sa simulation bukas ay 20 minutes ang pag-transport mula sa Ninoy Aquino Internationl Airport (NAIA) hanggang sa Resaserch Institute and Management Technology (RITM) warehouse o central hub.
Pagdating naman sa RITM ay kailangan itong inspeksyunin matapos ma-receive upang malaman kung may nagbago sa temperature ng bakuna dahil mahalaga umanong mapanatili ang potency ng bakuna bago ito ilagay sa storage at kasunod na nito ang preprasyon.
Mula naman sa RITM, dadalhin naman ang mga bakuna sa mga regional warehouse na siya namang magdidistribute sa iba’t ibang local government units .
Ang LGUs naman ang siyang magdidistribute sa mga vaccination sites.
Dagdag pa ng opisyal, iba-iba ang magiging proseso sa bawat klase ng bakuna na may iba’t-ibang storage requirement . (GENE ADSUARA)