Mayor Jeannie, pinangunahan ang inagurasyon ng Crematory at Interment Building sa Malabon
- Published on October 31, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINANGUNAHAN ni Mayor Jeannie Sandoval ang inagurasyon ng bagong Crematory at Interment Building ng lungsod sa Tugatog Public Cemetery, na matatagpuan sa Lascano Street, Barangay Tugatog, Malabon City bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaang lungsod sa Undas 2026, na nagbibigay sa mga pamilyang Malabueño ng karagdagang pasilidad para sa mga serbisyong funeral, cremation, and interment services.
Pinabasbasan din ang 51 urn na naglalaman ng mga labi ng mga yumao kung saan dalawampu sa mga labing ito ay dumaan sa proseso ng kremasyon sa ilalim ng libreng programa ng Pamahalaang Lungsod. Dinaluhan ng kanilang mga kapamilya ang seremonya upang mag-alay ng panalangin at gunitain ang kanilang mga mahal sa buhay.
Ang bagong pasilidad ay nakatayo sa isang lupang may sukat na 417.50 metro kuwadrado na binubuo ng dalawang pangunahing gusali: isang gusaling administratibo at isang gusali para sa kremasyon at paglilibing upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga pamilyang humihingi ng tulong.
Ang gusaling administratibo ay nagtatampok ng isang opisina, conference area, storage space, pantry, restrooms, beranda at waiting area para sa mga bisita habang ang crematory and interment building ay mayroon dalawang kapilya na may transition area, at isang waiting area.
“Patuloy nating pinagbubuti ang ating mga pasilidad upang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Mahalaga ang maayos na paghahanda at koordinasyon upang matiyak na ang mga serbisyong ibinibigay ng ating pamahalaang lungsod ay angkop, maayos, at may malasakit sa bawat tahanang Malabueño,” ani Mayor Jeannie.
“Nawa’y makapagdulot din ng kapanatagan sa kanilang mga puso ang pagtitipon natin ngayon upang sama-samang manalangin at alalahanin ang mga taong naging mahalagang bahagi ng kanilang buhay,” dagdag niya.
Hinikayat ang mga residente at mga bisita na sundin ang mga alituntunin sa sementeryo, itapon nang wasto ang mga basura, bantayan ang kanilang mga gamit, at sumunod sa mga paalala sa trapiko pati na rin sa mga tagubilin ng mga tauhang nakatalagang tumulong sa publiko.
“Hinihiling po natin sa mga Malabueño at sa lahat ng bibisita sa ating mga sementeryo na makipagtulungan sa ating pamahalaang lungsod at sumunod sa mga alituntunin para sa kaligtasan at kaayusan ng lahat. Sa pag-alala natin sa ating mga mahal sa buhay ngayong Undas, nawa’y manaig ang pagmamahalan, paggalang, at pagkakaisa ng bawat tahanan,” pahayag ni City Administrator Dr. Alexander T. Rosete. (Richard Mesa)