Pangungutya sa may kapansanan, hindi ikinatuwa ni Mamamayang Liberal Parytlist Rep. Leila de Lima
- Published on October 16, 2026
- by Francis Paolo Torres
IKINAMACHO ba nila ang pangungutya sa may kapansanan? Sa palagay nila, ganung usapan ang may kuwenta?
Ito ang naging reaksyon ni Mamamayang Liberal Parytlist Rep. Leila de Lima sa nag-viral na video clip sa online ng Machong Chismisan podcast kung saan kinutya at ginawang katatawanan ang kalagayan ng panganay na anak ni Kris Aquino na si Joshua Aquino.
Ayon sa mambabatas, ipinakikita lang nito ang kawalan ng pang-unawa, malasakit, pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao ng mga nangutya sa anak ni Kris.
“Talagang nakalulungkot at nakagagalit na imbes na awareness, acceptance at inclusion ang nagkakaisa nating itaguyod, may mga ginagawa pa ring katatawanan ang autism. These kinds of jokes are disrespectful, insensitive, and completely unacceptable,” ani de Lima.
Nakakabahala pa aniya na sa kabila na mali na gawing katatawa ito ay itinuloy pa rin ang airing o pagpapalabas upang mas marami ang makanood at makarinig.
Umaasa si de Lima na panagutin yaong mga sangkot sa ginawa nilang pananalita at aksyon.
“Hindi joke ang pagkakaroon ng kapansanan. At lalong hindi katawa-tawa ang hirap, sakripisyo at mga hamon na pinagdadaanan ng pamilya ng mga may kapansanan,” pagtatapos ni de Lima.
(VINA de GUZMAN)