73.8 milyong pisong sinayang sa Barangay “Development” Program (BDP) ng NTF-ELCAC sa Iloilo, kinastigo
- Published on October 16, 2026
- by Francis Paolo Torres
KINASTIGO ni House Assistant Minority Leader at Kabataan Representative Atty. Renee Co ang 73.8 milyong pisong sinayang sa Barangay “Development” Program (BDP) ng NTF-ELCAC sa Iloilo.
Ayon sa mga ulat ng Commission on Audit (COA), may mga proyektong milyon-milyon ang halaga sa ilalim ng BDP ngunit hindi pa natatapos at hindi rin mapakinabangan hanggang sa kasalukuyan.
“Dinuguan nga! This is what we’ve been calling the General’s Pork and Blood Budget. Taon-taon, bilyones ang nilalagak sa Barangay ‘Development’ Program ng NTF-ELCAC kahit hindi ito nagbibigay ng tunay na kaunlaran. Ang malala pa, para sa 2027, 9.74 bilyong piso ang ilalaan para dito,” saad ni Co.
Sinabi nito na hindi na niya ikinagulat kung ang parehong modus operandi ng korapsyon sa flood control, farm-to-pocket roads, at iba pang kuwestiyonableng protektong pang-imprastruktura ay nangyayari din sa pamamahala ng NTF-ELCAC.
“Saan ba ginagamit ang pera? Reward for ‘clearing’ kuno—kung napuntahan na ang mga bahay ng mga lider-estudyante, kung nakagawa na ng red-tagging seminar sa mga komunidad at paaralan, kung napaalis na ang katutubong tumitindig para sa lupang ninuno, o kung napatay na ang manggagawa at magsasakang lumalaban sa abusadong kompanya. Ito ba ang pag-unlad na bubuhusan ng bilyones? May dugong dumadanak dahil sa kunwa-kunwaring ‘development’ ng NTF-ELCAC,” dagdag ng mambabatas.
Kahit noong deliberasyon ng badyet ay hindi aniya masagot ng NTF-ELCAC at ng sponsor nito kung paano nagtutukoy ng ‘cleared’ barangays na magiging benepisyaryo ng lump-sum, discretionary funds.
Dagdag pa nito na hindi rin nila maamin na bahagi ng ‘clearing’ operations nila ang paniniktik at paninindak sa mga aktibista at progresibong grupo.
“This revelation from COA only shows one out of the many localities, provinces, and regions where the BDP is operational. Magkano pa kaya ang milyon-milyong matitimbog kapag nasilip ang implementasyon nito sa ibang lugar? Malinaw at nagpapatuloy ang panawagan ng Kabataan: Ibasura ang BDP, ilaan ang pondo direkta sa mga serbisyong panlipunan, at buwagin ang walang-silbing NTF-ELCAC,” panawagan ni Co.
(VINA de GUZMAN)