COMELEC, MAGDARAOS NG SPECIAL ELECTION SA BATANES KASUNOD NG PAGPANAW NI REP. GATO
- Published on September 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGPATAWAG ng emergency meeting ang Commission on Elections (Comelec) sa kanilang field officials para paghandaan ang inaasahang special elections sa unang distrito ng Batanes.
Kasunod ito ng pagpanaw kahapon ni Batanes lone district Representative Ciriaco Gato Jr.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, kailangang idaos ang special election hindi mas maaga sa 60 araw at hindi lalampas sa 90 araw mula nang mabakante ang puwesto.
Posible rin aniyang isabay ito sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections kung matutuloy ang BSKE sa November 2.
Pero ayon kay Garcia, kailangang ikonsidera ang itinakdang minimum na 60 araw bago maisagawa ang special election.
Si Gato, na chairman ng House Committee on Health, ay pumanaw nitong Lunes. Gene Adsuara
Tinapos ng House of Representatives sa plenaryo ang deliberasyon sa proposed 2027 budget ng ilang ahensiya ng gobyerno.
Partikular na tinapos ng mga mambabatas ang mga budget ng sangay ng gobyerno na may kaugnayan sa anti-money laundering, intelligence, national security operations, kabilang ang peace and amnesty programs.
Ilan sa mga ahensiya na naaprubahan ang kanilang mga budget ay ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), National Amnesty Commission (NAC), at ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU).
Batay sa House Bill No. 10858, o proposed 2027 General Appropriations Bill, ang AMLC ay may alokasyon na ₱144.87 million.
Ayon kay AMLC budget sponsor Negros Oriental Rep. Maria Isabel Sagarbarria, malaking bahagi ng pondo ay ilalaan sa information and communications technology initiatives ng ahensya, kabilang ang development ng in-house artificial intelligence capability at blockchain analytics platform para matunton ang money laundering na gumamit ng crypto currency.
Samantala, ang OPAPRU ay may nakalaan na ₱9.30 billion na budget, ayon kay Butuan Rep. Jose Aquino II, budget sponsor ng nasabing ahensiya.
Inisponsor din ni Aquino ang proposed ₱266.68-million budget ng National Amnesty Commission bilang suporta sa amnesty program ng gobyerno.
Natapos na rin ang deliberasyon sa ₱2.86-billion budget ng NICA at ₱1.12-billion sa NSC na dinipensahan nila House Committee on Appropriations Vice Chairperson at Sultan Kudarat Rep. Bella Vanessa Suansing. (VINA de GUZMAN)