• September 29, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

BI, HINARANG ANG 4 NA PILIPINONG NA-RECRUIT UMANO PARA SA SECURITY JOBS SA RUSSIA

HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Pilipinong pasahero na itinuturing na biktima ng human trafficking sa dalawang magkahiwalay na insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Setyembre 18 at 19.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, lahat ng apat na pasahero ay ini-refer ng mga primary immigration officer para sa karagdagang beripikasyon sa kanilang idineklarang layunin ng paglalakbay.

Tatlong lalaking pasahero na kinilalang Aldo 30; Nery, 41; at Baby, 38 , ang magkakasamang bumiyahe patungong Thailand.

Sa isinagawang secondary inspection, sinabi umano ni Aldo na Russia ang kanyang tunay na destinasyon at na-recruit siya sa pamamagitan ng isang Facebook post para magtrabaho bilang security personnel , kapalit ng ipinangakong suweldo na P70,000 kada buwan habang si Nery ay na-recruit umano siya ng isang hindi nakilalang indibidwal sa Bangkok, habang sinabi ni Baby na ang kanyang biyahe ay umano’y sponsored ng isang nagngangalang Alexander.

Kinabukasan, isa pang pasahero na kinilalang King, 34, ang hinarang ng I-PROBES. Bumiyahe siya sakay ng Philippine Airlines at nagdeklara na Vietnam ang kanyang destinasyon.

Sa karagdagang beripikasyon, sinabi umano ni King na Russia ang kanyang tunay na final destination at na-recruit siya para sa military service doon. at inalok ng P150,000 buwanang suweldo, pagiging mamamayan ng Russia makalipas ang isang taon, at karagdagang mga bonus kapag natapos ang isang special mission.

Nagpakita rin umano si King ng isang Russian visa, at sinabi na wala siyang inilabas na pera para sa kanyang mga gastusin sa paglalakbay.

Matapos ang assessment, itinuring ang apat na pasahero bilang potensyal na biktima ng human trafficking at itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri, imbestigasyon, at kaukulang tulong.

Hinimok naman ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na beripikahin ang mga job offer sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at mga lisensiyadong recruitment agency nito.

Pinaalalahanan din niya ang mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na tiyaking lehitimo ang recruitment agency at job order sa pamamagitan ng opisyal na mga channel ng DMW bago tumanggap ng anumang alok na trabaho o bumiyahe palabas ng bansa.

Bilang miyembro ng IACAT, hinimok din ng BI ang publiko na i-report ang mga pinaghihinalaang kaso ng human trafficking at illegal recruitment sa hotline nitong (+632) 8-465-2400 , o sa mga opisyal na email address na xinfo@immigration.gov.ph at immigPH@immigration.gov.ph

Maaari ring magsumite ng ulat sa alinmang kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

Ayon sa BI, makikita rin ang mga contact detail na ito sa opisyal nitong website.  

(Gene Adsuara)