• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 drug suspects, tiklo sa sugal sa Caloocan

TIMBOG ang dalawang hinihinalang drug personalities nang maaktuhan nagsusugal kasama ng dalawa pang lalaki sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.

Sa ulat, nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth nang maaktuhan nila ang dalawang indibidwal na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Dulo St., Brgy., 35, dakong ala-1:30 ng madaling araw.

Nilapitan sila ng mga tauhan ng Maypajo Police Sub-Station 1 saka inaresto at nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha umano kay alyas “Raymond”.

Nauna rito, naaresto naman ng mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 ang dalawang kelot na nagsusugal din umano ng ‘cara y cruz’ sa Gen. Malvar Ext., Brgy., 142, alas-3 ng madaling araw.

Nakumpiska sa kanila ang perang taya, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasamsam umano kay alyas “Nino”.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Gambling Law) habang karagdagan na paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin nina ‘Raymond’ at ‘Nino’. (Richard Mesa)