• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ginang, sinalpok ng humaharurot na motor, malubha

NASA malubhang kalagayan ang 45-anyos na ginang nang salpukin ng humaharurot na motorsiklo habang naglalakad, kasama ang kaibigan sa Caloocan City, Linggo ng madaling araw.

Ang biktima na residente ng Brgy., 12, ay isasailalim pa sa masusing pagsusuri bunga ng pagdaing ng pagkasilaw sa liwanag ng ilaw at panlalabo ng matapos magamot sa pagamutan ang mga tinamong sugat sa ulo, at iba pang parte ng katawan.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad ang biktima at kaibigan sa Dagat-dagatan, Brgy. 8, alas-4 ng madaling araw para bumili ng kape sa malapit na fast food chain.

Pagsapit sa kanto ng Lapu-Lapu St., sinalpok ang biktima ng humaharurot na motorsiklo na naging dahilan upang tumilapon ang ginang at bumagok ang ulo sa bangketa habang nagtamo lamang rin ng sugat sa kamay ang kanyang kasama.

Sa halip na tulungan ang mga biktima, mabilis na tumakas ang rider habang isinugod naman ng nagrespondeng mga tauhan ng Caloocan Medical Team ang ginang sa pinakamalapit na pagamutan.

Iniutos na ni BGen. Capili kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakilanlan at maaresto ang rider na nahagip sa kuha ng CCTV sa lugar habang mabilis na tumatakas. (Richard Mesa)