• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LEPTOSPIROSIS, ISA NANG EPIDEMYA SA MAYNILA

ITINUTURING nang epidemya ang pagdami ng kaso ng leptospirosis sa Lungsod ng Maynila matapos lumagpas sa epidemiologic threshold ang mga naitalang bagong kaso ng naturang sakit.

Sa ulat nito kay Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ngayong Lunes ng umaga, sinabi ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla na nasa “epidemic condition” na ang pagkalat ng leptospirosis.

Batay sa datos ng Manila Health Department (MHD) na pinamumunuan ni Dr. Padilla, mula sa 1.27% attack rate noong nakaraang linggo, pumalo na ito ngayon sa 3.48%, indikasyon ng mabilis na pagtaas ng kaso sa loob ng maikling panahon.

Dagdag pa ni Dr. Padilla, nasa full capacity na ang ilang city government district hospitals, kabilang ang Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital dahil sa patuloy na pagdami ng mga pasyente.

Sa kanyang direktiba matapos ang ulat ng MHD, inatasan ni Domagoso ang mga ahensya ng Pamahalaang Lungsod na paigtingin ang patuloy na isinasagawang kampanya kontra leptospirosis.

Kabilang dito ang agresibong public information campaign upang maipaalam na mayroong libreng doxycycline capsules sa lahat ng 44 health center at 7 district hospital sa ilalim ng Pamahalaang Lungsod.

Giit ni Domagoso, mabuti nang mismong Pamahalaang Lungsod , sa pamamagitan ng MHD at 896 barangay, ang pumunta sa taumbayan upang mamahagi ng doxycycline sa mga naapektuhan ng pagbaha sa mga nakaraang linggo.  

(Gene Adsuara)