• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagpapasinaya sa OsMal extension, parking buildings at groundbreaking ng multi-purpose building sa Malabon 

ISANG panibagong tagumpay ang nakamit ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa patuloy nitong pagsisikap na pagbutihin ang paghahatid ng serbisyo-publiko, kasunod ng isinagawang groundbreaking ceremony ng bagong multi-purpose building na may limang palapag, at pagpapasinaya sa bagong Ospital ng Malabon (OsMal) extension building at parking building sa F. Sevilla Blvd. Barangay Tañong.

“Patuloy nating isinusulong ang mga proyektong magpapalapit at magpapahusay sa serbisyo ng ating pamahalaan. Sa pamamagitan ng mga bagong pasilidad na ito, mas magiging maayos, mabilis, at dekalidad ang serbisyong maibibigay natin sa ating mga kababayan,” ani Mayor Jeannie.

Bahagi ang mga bagong pasilidad ay ng pangako ng Pamahalaang Lungsod na mabigyan ang mga Malabueño ng pinabuti, madaling mapuntahan, at de-kalidad na serbisyo ng gobyerno habang pinapalakas ang imprastraktura na kinakailangan upang suportahan ang lumalaking pangangailangan ng komunidad.

Ang bagong pasinayang OsMal Extension Building ay isang gusaling may tatlong palapag na nakalaan para sa pinalawak na serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng lokal na ospital. Magsisilbi itong mga karagdagang serbisyong medikal at pangkalusugan, kabilang ang Physical Rehabilitation Center, Rehabilitation Clinic, Neurodevelopmental Clinic, at Animal Bite Center. Magbibigay rin ito ng mga pasilidad para sa newborn at hearing screening, pati na rin ng mga karagdagang serbisyo at ward sa OB-Gyne.

Habang ang parking building na may apat na palapag ay magbibigay ng kabuuang 189 parking slots na binubuo ng 107 parking slots para mga kotse, 78 parking slots para sa mga motorsiklo, at 4 para sa mga PWD.

Samantala , sinabi ng City Engineering Department (CED) ang itatayong 5-Storey Multi-Purpose Building ay idinisenyo upang magbigay ng mga komersyal, opisina, institusyonal, at multi-purpose na espasyo. Ang ground at second floor nito ay maglalaan ng paradahan at mga inuupahang komersyal na espasyo, habang ang ikatlo at ikaapat na palapag ay maglalaman ng mga flexible na opisina para sa mga kwalipikadong nangungupahan at organisasyon.

Ang ikalimang palapag ng gusali ay magsisilbing multi-purpose and institutional facility para sa city government programs, seminars, conferences, workshops, public consultations, assemblies, at iba pang community activities.

“Ang mga pasilidad na ito ay bahagi ng patuloy nating pagsisikap na bumuo ng mas matatag at mas handang Malabon—isang lungsod na may sapat at maayos na imprastraktura upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng ating mga mamamayan,” sani ni City Administrator Dr. Alexander Rosete.
(Richard Mesa)