• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pulis binentahan, rider na tulak ng droga laglag sa drug bust sa Valenzuela 

KALABOSO ang isang rider na tulak umano ng ilegal na droga nang makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City, Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Thugs”, 45, ng Brgy., Canumay West na mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ikinasa ng mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa pagtutulak umano ng suspek ng ilegal na droga.

Matapos matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na buyer na hudyat na positibo na ang transakyon, kaagad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto ang suspek dakong alas-10:40 ng gabi sa L. San Diego Street, Brgy. Canumay West.

Nang kapkapan, nasamsam sa suspek ang isang coin purse na naglalaman ng isang plastic sachet ng umano’y shabu, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang pitong P1,000 boodle money at P150 cash.

Ayon kay SDEU investigator P/MSg Ana Liza Antonio, umabot lahat sa 30 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P204,000 ang nasamsam sa suspek habang kinumpiska rin ang gamit niyang motorsiklo sa pagdedeliber umano ng droga.

Paalala ni Col. Talento, huwag makilahok, tumangkilik, o magkubli ng ano mang ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa droga. Aniya, kung may impormasyon tungkol sa ilegal na droga ay huwag matakot at kaagad i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang agad na maaksyunan. 

(Richard Mesa)