VP Sara, bagama’t may option na hindi dumalo sa trial, siya lamang ang makapagpapaliwanag kung saan napunta ang confidential funds
- Published on September 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
SI VICE President Sara Z. Duterte ang natatanging personalidad na makapag papaliwanag kung saan napunta ang kanyang confidential funds matapos ihayag ng kanyang mga opisyal na sangkot sa paghahawak ng pondo na hindi nila alam kung papaano ito ginastos.
“So I think it leaves us with no one to explain what happened to the confidential funds but the Vice President alone. Klaro po ’yan,” ayon kay House impeachment team spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong sa isang press briefing.
Ang pahayag ng Lanao del Sur solon ay tugon sa posisyon ng depensa na hindi kinakailangang dumalo ng personal si Duterte sa Senate impeachment trial at magagawa nitong magpatuloy sa kanyang tungkulin habang nirerepresenta siya ng mga abogado.
Sinabi ni Alonto Adiong na may option si Duterte na hindi dumalo sa pagdinig subalit siya mismo ang opisyal na nasa trial.
“May option naman din ang Vice President, di ba, na hindi pumunta. Pero parati po nating sinasabi, trial po niya ito. At base po sa mga naging testigo, ’yung mga inutusan niya na mag-violate, na hindi sumunod sa joint circular, lahat sila sinasabi hindi nila alam, hindi nila alam paano ginasta,” dagdag ni Alonto Adiong.
“So that leaves only one person to explain to the public: Saan napunta? Bakit ’yun ang utos niya? Saan napunta ’yung confidential funds na ito?” pagtatanong nito.
(VINA de GUZMAN)