Mambabatas kinastigo si USec Claire Castro sa pagiging insensitibo sa mga taong humihingi ng tulong
- Published on September 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
KINASTIGO ni dating ACT Teachers Partylist Rep. France Castro si Presidential Communications Undersecretary Claire Castro hinggil sa kanyang mga komento na aniya’y kawalan empatiya sa mga taong humihingi ng tulong sa gitna ng matinding pagbaha dulot ng habagat.
“Sana naging mas sensitive ang mga statement ni Usec Castro,” sabi ng dating kongresista.
“Kahit mga senador nga ay hindi makapasok o nahirapang makapasok. What more sa mga manggagawa na arawan ang sahod, isang kahig, isang tuka? Sa mga estudyanteng hindi makakuha ng eksamen? Sa mga truck driver na nagde-deliver ng produkto na kada byahe lang ang bayad?”
Ayon sa dating mambabatas, ang hinihiling lang ng mga manggagawa na gumagamit ng NLEX sa kanilang byahe papasok ay kaunting relief sa pagbabayad ng toll fee.
“Hindi naman dadami ang dadaan doon kahit maging libre pa ito—baha nga, jusko. Bakit ka naman dadaan pa doon kung di naman talaga kailangan?” tanong ni Castro.
Aniya, imbes na pagalitan ang mga nagrereklamo, pakinggan sila kung bakit nagrereklamo at mag -focus sa solusyon.
“Ang trabaho ng pamahalaan ay paginhawain ang buhay ng mamamayan, hindi saktan ang kanilang damdamin habang naghihirap sila,” sinabi ng dating kongresista.
“Di ba dapat magmungkahi ka kung paano madaling mawala ang baha, imbes na murahin ang mga taong humihingi ng kaunting ginhawa?” (VINA de GUZMAN)