Simula Setyembre 2:Free toll sa NLEX para sa lahat ng sasakyan- Malakanyang
- Published on September 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
SIMULA araw ng Miyerkules, Setyembre 2 ay libre ang toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX).
Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matulungan ang mga motorista at pasaherong naipit sa traffic sa NLEX dulot ng pagbaha sa Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na binigyang-diin ni Transportation Secretary Banoy Lopez na simula araw ng Miyerkoles ay libre ang toll fee para sa mga sasakyan na manggagaling sa Pulilan, Bulacan hanggang San Fernando sa Pampanga at vice versa. Magpapatuloy ang libreng toll fee hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon sa NLEX.
Nagpasalamat naman aniya si Secretary Lopez sa lahat ng toll operator na patuloy na nagbibigay ng libreng toll para sa mga provincial buses at mga sasakyang naghahatid ng agricultural products sa ilalim ng UPLIFT initiatives ng pamahalaan.
Kasunod nito, ipinag-utos din aniya ng DOTr at Toll Regulatory Board sa NLEX Corporation na magbigay ng pagkain at inumin, at magtayo ng mga portalet para sa mga motoristang naiipit sa mabigat na traffic. ( DARIS JOSE)