• September 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ang National Heroes Day ay hindi lamang araw ng paggunita kundi araw ng pagpapaalala kung sino tayo bilang mga Pilipino -Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III

MAS maunlad at matatag na Pilipinas ay hindi lamang itinatayo ng mga lider kundi mga Pilipinong may malasakit at paninindigan-Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

Ito ang mensahe ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa pagdiriwang ng National Heroes Day nitong Lunes kung saan nanawagan din ang Speaker na bigyan karangalan ang ating mga bayani.

“Ngayong National Heroes Day, alalahanin natin ang mga bayani ng ating nakaraan at higit sa lahat mahalin natin ang ating bayan at kapwa upang lalo pang pagtibayin ang Pilipinas na kanilang ipinaglaban,” sabi ni Dy.

Aniya, ang National Heroes Day ay hindi lamang araw ng paggunita kundi araw ng pagpapaalala kung sino tayo bilang mga Pilipino. 

“Ang ating mga bayani ay nag-iwan sa atin ng isang mahalagang pamana: ang paniniwalang may mga bagay na higit na mahalaga kaysa sa sarili—ang bayan, ang kapwa, at ang kinabukasan ng susunod na henerasyon,” sabi ni Dy.

Sinabi ni Dy na nakaatang ngayon sa kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino ang responsibilidad na ituloy ang pamana ng ating mga bayani.

“Ngayon, tayo naman ang may pananagutan na ipagpatuloy ang pamana na iyon,” sabi ni Dy. (VINA de GUZMAN)