Kelot, binaril ng magkapatid sa Malabon, malubha
- Published on September 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
NASA kritikal na kalagayan ang 33-anyos na kelot nang pagbabarilin ng magkapatid na kanyang kapitbahay habang patungo sa isang tindahan sa Malabon City, Lunes ng madaling araw.
Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa dibdib ang biktimang si alyas “Paul”, residente ng Katarungan St. Brgy. Muzon ng lungsod.
Patuloy namang tinutugis ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission ang mga suspek na sina alyas “Melvin” at alyas “Harold”, kapwa nasa hustong gulang.
Sa inisyal na ulat na tinanggap ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, bibili sana ng sigarilyo sa kalapit na tindahan sa Katarungan St. ang biktima dakong alas-4:20 ng madaling araw nang tambangan at pagbabarilin ni alyas Melvin na noon ay nag-aabang na pala sa kanya sa naturang lugar.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang Honda Click na motorsiklo patungong Ilang-Ilang St., Brgy. Concepcion habang isinugod naman ang biktima sa Malabon Hospital and Medical Center bago inilipat sa TMC.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/MSg Michael Oben at P/SSg Bengie Nalogoc na matagal ng may alitan ang biktima at magkapatid kaugnay sa isinampang kasong Grave Threat ng dalawa laban sa kapitbahay sa Malabon Regional Trial Court (RTC). (Richard Mesa)