IBA’T IBANG SAMAHAN, NAG-RALLY PARA SA WEST PHILIPPINE SEA SA ARAW NG MGA BAYANI
- Published on September 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGSAGAWA ng lightning rally sa harap ng Embahada ng China sa Makati ngayong Araw ng mga Bayani August 31, 2026 ang iba’t ibang grupong Pilipino, sa pangunguna ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, upang kondenahin ang patuloy na pangha-harass at agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea, kabilang ang panawagan nitong alisin ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Iginiit ng mga grupo na ang BRP Sierra Madre ay simbolo ng kalayaan, soberanya, at mga karapatang pandagat ng Pilipinas. Anila, hindi ito dapat alisin sa Ayungin Shoal.
“HINDI ITO AALIS. HINDI ITO ISUSUKO,” pahayag ng mga nagprotesta, kasabay ng pagbibigay-pugay sa mga sundalo, Coast Guard, mga opisyal ng pamahalaan, at mga mangingisdang patuloy na naninindigan para sa karapatan ng Pilipinas sa karagatan.
Muling binigyang-diin ng mga grupo na “HINDI CHINA ANG NAGTATAKDA NG ATING KARAPATAN SA DAGAT,” at itinuro ang UNCLOS at July 12, 2016 Arbitral Award bilang mahahalagang batayan ng paninindigan ng Pilipinas sa ilalim ng internasyonal na batas. Nanawagan din sila para sa proteksyon ng mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc.
Tampok sa lightning rally ang isang simbolikong pagtatanghal ng water cannoning, na kumakatawan sa mga insidente ng water cannoning at pangha-harass laban sa mga Pilipinong sundalo, Coast Guard, at mangingisda. Matapos ang pagtatanghal, bumangon at sama-samang nanindigan ang mga kalahok, bilang simbolo ng katatagan at tapang ng sambayanang Pilipino.
Sinundan ito ng pagpapalipad ng mga kalapati bilang simbolo ng kapayapaan, at panawagan para sa paggalang sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Binigyang-diin ng mga grupo na ang pagtatanggol sa karapatan ng bansa ay hindi panawagan para sa digmaan, kundi para sa kapayapaang nakabatay sa batas, dignidad, at paggalang sa karapatan ng bawat bansa.
“HINDI TAYO PAPAYAG. HINDI TAYO MANANAHIMIK. HUWAG GAWING NORMAL ANG PAMBUBULLY AT PANGHA-HARASS NG CHINA SA LOOB NG ATING EEZ!”
Nilinaw din ng mga grupo na hindi ito pagkamuhi sa mamamayang Tsino o sa lahing Tsino. Ang tinututulan ay ang mga agresibong aksyon na nakaaapekto sa karapatan, kabuhayan, at kaligtasan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea.
“Hindi digmaan ang hinihingi namin—kundi paggalang sa batas, proteksyon sa ating mga mangingisda, at kapayapaang may dignidad.” Sa paggunita sa Araw ng mga Bayani, nanawagan ang mga grupo sa mga Pilipino na manindigan, at patuloy na ipagtanggol ang ating soberanya at mga karapatan sa karagatan. (PAUL JOHN REYES)