• August 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

BUS NA NAHULING NAG-COUNTERFLOW SA TULAY, INISYUHAN NG SCO NG LTO, LISENSYA SUSPENDIDO, BUS INALARMA

AGAD na umaksyon ang Land Transportation Office (LTO), sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kasunod ng isang insidente kung saan nakuhanan ng video ang isang pampasaherong bus na nag-counterflow habang binabagtas ang isang tulay, na nagresulta sa pagpapalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at itinalagang driver nito.

Batay sa video na naging batayan ng ahensya sa imbestigasyon, dumaan ang naturang bus sa kabilang linya ng daan habang nasa tulay at hindi sinunod ang solid yellow line na nagtatakda ng restriksyon sa pag-overtake at pagdaan sa kabilang linya, isang gawaing maaaring magdulot ng panganib sa mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada, gayundin ng pagkaantala sa maayos na daloy ng trapiko.

Dahil sa paglabag na ito, inaatasan ng LTO ang rehistradong may-ari at itinalagang driver na magtungo sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa Agosto 28, 2026 upang dumalo sa pagdinig at magsumite ng sinumpaang komento o paliwanag, kalakip ang mga kaukulang dokumento na magsisilbing suporta sa kanilang paliwanag kaugnay ng mga paglabag na nakasaad sa SCO.

“Hindi maaaring kanya-kanyang batas sa kalsada. Kapag sumalungat ka sa daloy ng trapiko, inilalagay mo sa panganib hindi lamang ang sarili mo kundi ang bawat motorista na maaaring makasalubong mo,” pahayag ni Asec. Lacanilao

“Pag pinili niyong lumabag, dapat handa kayong harapin ang kaukulang pananagutan. Hindi palalampasin ng LTO ang ganitong mga paglabag,” dagdag niya.

Kaugnay nito, maaaring maharap ang itinalagang driver sa mga paglabag na Reckless Driving, Disregarding Traffic Sign, at Obstruction of Traffic, gayundin sa posibleng suspensyon o pagbawi ng kanyang driver’s license dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Kabilang din sa maaaring harapin ng rehistradong may-ari ang mga paglabag na Employing Reckless, Insolent, and Arrogant Driver at Breach of Franchise Conditions.

Habang isinasagawa ang imbestigasyon, inilagay na ng LTO sa alarm status ang naturang bus at inatasan ang itinalagang driver na agad na isuko ang kanyang driver’s license sa IID, na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension.

Samantala, nagpapasalamat ang LTO sa publiko sa patuloy na pagbabahagi ng mga ulat tungkol sa mga insidenteng may kinalaman sa paglabag sa batas trapiko. Hinihikayat ng ahensya ang publiko na patuloy na maging katuwang nito sa pagpapanatili ng kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga nasasaksihang paglabag sa opisyal na Facebook page na Ireport mo kay LTO Chief o sa website na https://ireportmokayltochief.ph/ para sa maagap na aksyon.

Patuloy na isusulong ng LTO ang kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga batas trapiko. Kasabay nito, pinaaalalahanan ng ahensya ang mga driver na iwasan ang mga mapanganib na gawain tulad ng pag-counterflow na maaaring magdulot ng panganib sa kanilang sarili at sa ibang motorista. (PAUL JOHN REYES)