Mayor Jeannie, tiniyak sa mga kabataang Malabueño ang de-kalidad, abot-kayang edukasyon
- Published on August 21, 2026
- by Francis Paolo Torres
TINIYAK ni Mayor Jeannie Sandoval na ipagpapatuloy ang mga pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod na magbigay ng de-kalidad at abot-kayang edukasyon para sa mga kabataang Malabueño, kasunod ng muling pagkilala sa City of Malabon University (CMU) bilang benepisyaryo ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).
“Naniniwala tayo na ang edukasyon ang susi para sa mas magandang kinabukasan ng ating mga kabataan at kanilang mga pamilya. Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera para makapag-aral at makapagtapos. Patuloy nating sisiguruhin na ang dekalidad na edukasyon ay magiging abot-kamay ng ating mga mag-aaral,” ani Mayor Jeannie.
Inaprubahan ng UniFAST Board ang pagkasama ng CMU at pitong iba pang Local Universities and Colleges (LUCs) bilang mga benepisyaryo sa ilalim ng R.A No. 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, sa kanilang ika-54 na Regular na Pagpupulong na ginanap noong Agosto 13, 2026, sa Central Office ng Commission on Higher Education (CHED).
Dahil dito, ang mga kwalipikadong mag-aaral ay maaaring makinabang sa mga benepisyo ng libreng mas mataas na edukasyon, kabilang ang hindi pagbabayad ng tuition at iba pang saklaw na bayarin sa paaralan, alinsunod sa mga umiiral na kwalipikasyon, patakaran, at mga alituntunin ng programa.
Maaari ring makakuha ang mga kwalipikadong mag-aaral ng tulong-pinansyal mula sa pambansang pamahalaan, tulad ng Tertiary Education Subsidy (TES) at Tulong Dunong Program (TDP), depende sa umiiral na kwalipikasyon at pondo.
Ayon kay Mayor Sandoval, malaking hakbang ang pagbabalik ng CMU sa UniFAST para mabawasan ang gaustusin ng pamilyang Malabueño.
Binigyang-diin din ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang kahalagahan ng panibagong eligibility ng unibersidad, na ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod na tugunan ang mga pangangailangan ng institusyon at palakasin ang CMU.
(Richard Mesa)