• August 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mga programa sa student mental health and protection sa ilalim ng 2027 national budget, patuloy na tutustusan ng Kamara 

PATULOY na tutustusan ng Kamara ang mga programa sa student mental health and protection sa ilalim ng 2027 national budget, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, vice chairman ng House Committee on Appropriations.

Ginawa ni Adiong ang pahayag sa gitna ng malawakang panawagan na imbestigahan ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang suspek, at ikinasugat ng ilan.

Tinukoy ni Adiong ang mga programa sa mental health and protection na nakapaloob sa 2026 General Appropriations Act. 

Aniya, tatalakayin ng Kamara kung nagamit ng Department of Education (DepEd) ang pondo at pasweldo sa mga personnel na mangangalaga sa mental health ng mga estudyante.

“Definitely because of the recent school shooting na na-experience natin, nakita natin, I think these programs should continue. Lalong-lalo na po it’s become more disturbing knowing that in our schools, both public and private, ay nakakakita tayo o nakakakaranas tayo ng ganitong klaseng karahasan,” ani Adiong.

Ayon kay Adiong, naglaan ang Kamara ng P2.37 billion sa 2026 DepEd budget para sa mental health program, kabilang ang pasweldo sa 10,000 School Counselor Associate positions.

“Ang intention po talaga dito ay para po magkaroon ng periodic assessment at the same time, magkaroon po ng program, specific program that would counter ‘yung sinasabi nating bullying and violence in schools,” sinabi ni Adiong.

Ayon kay Adiong, tatalakayin ng mga mambabatas sa 2027 national budget kung sapat ang pondo sa mga eskwelahan sa pangangalaga ng kanilang seguridad.

“Titingnan po natin doon kung if need be, sa kanilang MOOE (maintenance and other operating expenses), kung kinakailangan po talaga nating bigyan pa sila ng sapat na budget para mag-hire po sila ng kanilang mga security agencies, para tugunan ‘yung ganitong klaseng karahasan na hindi na po maulit,” sabi ni Adiong. 

(VINA de GUZMAN)