Binalikan ang nakakalokang unang araw bilang kasambahay…PIOLO, nag-akyat-bahay dahil nakatulog si MOI at nai-lock ang pinto (ni: ROHN ROMULO)
- Published on July 29, 2026
- by Francis Paolo Torres
SA naging interview ng “i-Listen with Kara David” vodcast, nagbalik-tanaw si Moi Bien sa nakakalokang unang araw niya bilang kasambahay ni Piolo Pascual.
Kuwento ng komedyante, “’yung pang-first kong pasok, na-lock ko ang pinto. Hindi siya nakapasok. Kasi naglaba ako ng maraming, maraming, marami. Kasi siguro matagal na silang walang kasambahay.
“Tapos nakatulog ako. Ako lang mag-isa sa bahay. Alam mo kung saan siya dumaan? Sa bubong. Inakyat niya ‘yung bahay niya,” natatawang pahayag niya.
“Nai-lock ko ‘yung bahay. Tapos tawag siya nang tawag. Hindi ko siya marinig. Kasi, ito ‘yung gate, ito ‘yung kuwarto malayo sa akin.”
Wala raw dalang susi ang aktor, “Wala, nag-akyat-bahay siya. ‘Yun ‘yung first meet namin.”
Hindi naman daw nagalit sa kanya si Papa P, dahil naiintindihan siguro niya na marami siyang nilabhan kaya nakatulog sa pagod.
Kuwento pa ni Moi, nagtatrabaho noon ang kanyang bayaw sa pamilya ni Piolo at siya nga ang inirekomenda.
“Nag-aartista na rin yata siya that time, parang series, series. Eh, hindi ako masyadong aware sa mga arti-artista, hindi ako masyadong kinikilig sa mga artista.
“Si Robin (Padilla) lang ‘yung ano ko dati, tsaka si Joko Diaz,” pag-amin ni Moi.
Hindi raw siya na-starstruck kay Piolo dahil, “First kita ko nga kay Papa P, hindi ako fan. Wala, dedma.”
Puring-puri naman ni Moi ang kabaitan at pagiging makatao ni Papa P na pinagsilbihan niya ng halos 16 years bilang personal assistant.
“Kasi po, nu’ng naging close na kami, parang, hindi niya kasi kami itinuring na, well, alam namin trabaho namin ‘to, kasambahay kami, driver ‘yung mga kasama ko, ganiyan. Pero, hindi naman niya kasi kami tinuturing na iba eh.
“Like, sabay-sabay kami kakain, magluluto ako, tapos ayaw niya na kakain kayo ng kaniya-kaniya. ‘Family tayo dito, kailangan sabay-sabay tayo kakain.’ Pare-pareho kami lahat. Wala, pare-pareho ng baso, pare-pareho ng kutsara,” pagmamalaki pa niya kay Papa P.
***
MTRCB, ipinatawag ang mga producer ng ‘It’s Showtime’
IPINATAWAG ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga producer ng “It’s Showtime” sa gitna ng mga reklamo ukol sa 24 Hulyo 2026 na episode ng noontime show na may diumanong inappropriate na eksena at racially insensitive at colorist na komento.
Ayon sa notice to appear, nakatanggap ang Ahensiya ng maraming ulat at reklamo mula sa mga concerned citizen tungkol sa episode at sa mga kilos at salita ng TV host at comedian na si Vice Ganda.
Inutusan ng MTRCB ang GMA Network Inc. at ABS-CBN Corporation bilang respondents na dumalo sa isang hearing ng MTRCB Hearing and Adjudication Committee. Ang hearing ay gaganapin sa 29 Hulyo 2026, Miyerkules, 10:30 a.m.
Maaaring magpadala ng kinatawan o abogado ang mga respondent sa hearing. Bago o sa takdang araw ng hearing, dapat silang magpakita ng proof of authority na sila ang inatasang kinatawan ng mga respondent.
Ayon sa mga natanggap na ulat at reklamo at sa isang ulat ng Monitoring and Inspection Unit (MIU) ng Ahensya, ang tinutukoy na insidente ay ang “Memerimar” skit sa “Laro Laro Pick” segment ng nasabing noontime show.
Inireklamo ng mga concerned citizen ang diumano’y racist at colorist na pahayag ni Vice Ganda at ang “lugaw” scene nina Vice Ganda at Ion Perez.
Bago matapos ang 25 Hulyo 2026 episode ng “It’s Showtime,” humingi ng tawad si Vice Ganda para sa mga biro na kanilang sinabi sa nakaraang episode.
Sabi ng MTRCB, nais malaman ng Ahensya kung ang “It’s Showtime” ay tumupad sa provisions ng Section 3(c) ng Presidential Decree No. 1986 na ipinagbabawal ang pagpapalabas ng TV programs na “contrary to law, good customs, public order, public morals, or are otherwise objectionable.”
Dagdag ng MTRCB, ituturing nilang waiver ng karapatan na maghain ng ebidensiya kung hindi dadalo ang mga respondents at ireresolba ng Ahensiya ang isyu base sa mga records na kanilang hawak.