Dream role niya na makaganap na isang mermaid…Content creator na si BERNIE, pagsasabayin ang vlogging at acting (ni: NONIE NICASIO)
- Published on July 29, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAKATSIKAHAN namin kamakailan ang vlogger na si Bernie Batin at nalaman namin na mayroon siyang dalawang upcoming movies na natapos na ang shooting.
Third and fourth movie na pala ito ni Bernie, kaya happy siya na unti-unting nagkakaroon ng katuparan ang kanyang pangarap.
Pahayag niya, “Mayroon po akong dalawang upcoming movies, sa ‘Kappa-tiran’ po, ang role ko ay isang teacher, tapos sa ‘Sa Tamang Oras’ naman po ang role ko ay tindera sa palengke.
“Ang mga lead actors po sa ‘Kappa-tiran’ ay sina Ejay Falcon, Sheryl Cruz, Patricia Javier, Aljur Abrenica, Bembol Rocco, at iba pa. ‘Sa Tamang Oras’ naman po ay sina Kelvin Miranda, Angel Guardian, at Ron Angeles.”
Nabanggit din ni Bernie kung ano ang dream role niyang magampanan sa pelikula or TV.
Wika niya, “Marami po akong dream role, pero ang pinaka-dream ko po talaga na role ay maging isang mermaid… dahil noong bata po ako, ang hilig ko na po magsire-sirenahan sa mga ilog.”
Ano ang magiging priority niya, movies ba or yung pagiging content creator?
Esplika ni Bernie, “Bata pa lang po ako ay pangarap ko na pong maging artista. Noong naging content creator po ako, ito po ang nagbukas ng maraming opportunities sa akin, tulad po ng pagkakapasok ko po sa showbiz.
“Ipagpapatuloy ko pa rin po ang pagiging content creator ko, tapos tatanggapin ko pa rin po kapag may offer po sa movies or TV show po.”
Dagdag pa niya, “Kasi po ang pagiging content creator lagi pong nandiyan, pero ang movies po kasi hindi po laging may offer. So, bakit pa po mamimili kung pwede naman pong pagsabayin?
“Kasi ang movie guesting naman po ay hindi palagi, unlike po sa pagiging content creator ko po na araw-araw ko pong ginagawa.
“Pero, basta po kung saan may opportunity ay push lang po nang push,” nakangiting sambit pa ng vlogger na kilala rin bilang Pinakamasungit na Tindera sa Social Media.