• July 31, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PCG, NAG-ABISO SA MAARING PAGBAGSAK NG DEBRIS NA ROCKET NA LONG MARCH 6A NG TSINA

NAGLABAS ang Philippine Coast Guard (PCG) ng isang abiso para sa kaligtasan sa dagat kaugnay ng nakatakdang paglulunsad ng Long March 6A rocket ng People’s Republic of China mula sa Taiyuan Satellite Launch Center sa Shanxi Province. Ang paglulunsad ay nakatakda sa pagitan ng 8:54 AM at 9:19 AM (oras ng Pilipinas) bukas, Hulyo 30, 2026.

Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon (CGDNELZN), may posibilidad na ang ilang bahagi ng rocket ay bumagsak sa isang itinalagang drop zone sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na humigit-kumulang 83 nautical miles mula sa Dalupiri Island, Cagayan; 88 nautical miles mula sa Babuyan Island; at 104 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte.

Hinihikayat ng PCG ang lahat ng operator ng mga sasakyang-pandagat at mga mangingisda na iwasan ang tinukoy na lugar sa panahon ng itinakdang oras ng paglulunsad at mag-ingat nang husto kapag naglalayag sa mga karatig na karagatan.” ayon sa CGDNELZN

Pinapayuhan din ang publiko na huwag lapitan o pulutin ang anumang pinaghihinalaang bahagi ng rocket na maaaring matagpuan. Kung may makitang kahina-hinalang bagay, agad itong iulat sa pinakamalapit na yunit ng Philippine Coast Guard.

Ang naturang abiso ay bahagi ng pagsisikap ng PCG na itaguyod ang kaligtasan sa karagatan sa ilalim ng programang iCARE (Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement) at ng ONE at Sea (Organized National Engagement at Sea) strategic concept, na naglalayong mapanatili ang ligtas at maayos na maritime domain ng bansa. (Gene Adsuara)