• July 31, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DRIVER NA SANGKOT SA PAGBANGGA NG MIYEMBRO NG PHILIPPINE COAST GUARD, AGAD NA INISYUHAN NG SCO NG LTO

AGAD na umaksyon ang Land Transportation Office (LTO), sa direktiba ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, sa pamamagitan ng paglalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at drayber ng isang sasakyan na sangkot sa insidente ng pagkakabangga sa isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang nagsasagawa ng checkpoint operation kasama ang mga tauhan ng LTO sa Roxas Boulevard, ParaƱaque City noong Hulyo 26.

Batay sa inisyal na ulat ng insidente, nagtamo ng mga pinsala ang biktima matapos mabangga ng naturang sasakyan habang nasa aktuwal na pagpapatupad ng checkpoint operation.

Dahil dito, inaatasan ang rehistradong may-ari at ang drayber ng naturang sasakyan na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa itinakdang pagdinig at magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay, kalakip ang mga kaukulang orihinal na dokumento, upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat maharap ang drayber sa kasong Reckless Driving at kung bakit hindi siya dapat ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring magresulta sa pagsuspindi o pagbawi ng kanyang driver’s license.

“Ang driver’s license ay hindi lamang pahintulot na makapagmaneho, kundi patunay na ang isang tao ay may disiplina at paggalang sa batas at regulasyon ng ahensya. Kapag ang resulta ng pagmamaneho ay pinsala sa isang tauhang nasa aktuwal na pagpapatupad ng batas, obligasyon ng LTO na suriin kung nananatili siyang karapat-dapat maghawak ng lisensya,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

Kasunod nito, inatasan ang drayber na agad na isuko ang kanyang driver’s license sa tanggapan ng IID, na isasailalim sa 90-araw na preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Pansamantala ring inilagay sa alarm status ang naturang sasakyan.

Muling iginiit ng LTO na ang driver’s license ay hindi lamang pahintulot upang makapagmaneho, kundi isang pribilehiyong ipinagkakaloob sa mga may kakayahang sumunod sa batas, gumalang sa kapwa, at unahin ang kaligtasan sa lansangan. Binigyang-diin ng ahensya na ang bawat may hawak ng lisensya ay inaasahang patuloy na patunayan, sa bawat paglalakbay, na karapat-dapat siyang pagkatiwalaan sa pamamagitan ng responsableng pagmamaneho at mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon. (PAUL JOHN REYES)