• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Komunidad ng LGBT sa Biñan, Nagtipon-tipon para sa Isang Makulay na Pride Program

BIÑAN, LAGUNA — Matagumpay na idinaos ang “Biñan Pride Program,” isang makulay at makasaysayang pagtitipon na naglayong ipagdiwang ang pagkakaisa, talento, at karapatan ng lokal na komunidad ng LGBT sa lungsod.

Ginanap ang aktibidad sa pangunguna nina Mama led, Sir Mac, at Keka bilang mga tagapangasiwa. Pormal na binuksan ang programa sa pamamagitan ng isang engrandeng “Grand Opening Number” mula mismo sa LGBT Community of Biñan, na sinundan ng isang mainit na pagtanggap at pambungad na mensahe mula kay Dr. Arlene Alonte-Ancheta, ang City GAD (Gender and Development Department) Focal Person.

Isa sa mga naging tampok at pinakamahalagang bahagi ng kaganapan ay ang opisyal na paglulunsad ng “Right to Care Launch,” kung saan ipinalabas ang isang Audio-Visual Presentation at inanunsyo ang pamamahagi ng mga kaukulang porma para sa nasabing programa.

Nagpaabot din ng kanilang buong suporta ang mga matataas na opisyal ng lungsod sa pamamagitan ng kanilang mga mensahe. Kabilang sa mga nakiisa at nagbigay ng suporta sina Mayor Len Alonte (sa pamamagitan ng Gay Alliance for Len Alonte), Mayor Gel Alonte, Vice-Mayor Dada Reyes, Cong. Atty. Arman Dimaguila, at ang buong City Council. Dumalo rin at nagpakita ng pakikiisa ang iba’t ibang sektor tulad ng Association of Barangay Captains, Sangguniang Kabataan Federation, Kabaranggay, Kababaihan Unlad Biñan, LGBT Pilipinas, pati na ang kinatawan mula sa karatig-bayan na si Melanie Alvarez, ang Carmona City GAD Officer.

Hindi rin nagpahuli ang ningning ng gabi sa ginanap na awarding ceremony. Humigit-kumulang 30 indibidwal ang pinarangalan ng Rainbow Radiance Awards (Costume) para sa kanilang malilikhaing kasuotan, habang isang natatanging indibidwal naman ang nag-uwi ng prestihiyosong Color of Courage Award (Artistic Expression).

Bago nagtapos ang gabi, naghatid ng isang world-class at natatanging pagtatanghal ang tanyag na artist na si Phi Palmos na lalong nagpalakas ng hiyawan at saya sa mga manonood. Ang nasabing programa ay naging matagumpay sa tulong na rin ng masiglang pagho-host ni Sir Mac na siyang bumanat bilang crowd host ng gabi.

(Kim Bornella/Boy Morales)