Higit P1M droga, nasabat sa HVI tulak na naaresto sa buy bust sa Valenzuela
- Published on July 24, 2026
- by Francis Paolo Torres
MAHIGIT P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang bagong identified High-Value drug personality matapos matimbog ng pulisya sa ikinasangm buy bust operation sa Valenzuela City, Miyerkules ng gabi.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Rik Rik”, 33, (HVI) ng Brgy., Lingunan.
Ayon kay Col. Talento, unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police hinggil sa umano’y pagtutulak ng illegal na droga ni alyas Rik Rik sa kanilang lugar at kalapit na mga barangay.
Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng SDEU, kaagad bumuo ng team si SDEU chief P/Lt. Sherwin Dascil bago ikinasa ang buy bust operation kontra sa suspek, sa koordinasyon sa PDEA.
Sakay ng kanyang motorsiklo, nakipagkita umano ang suspek para makipagtransaksyon sa isa sa mga operatiba ng SDEU na nagpanggap na buyer sa harap ng Palawan Child Development Center sa Saint Paul St., Brgy., Veinte Reales na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-10:35 ng gabi.
Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 150 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,020,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill, isang P500 boodle money at 16-pirasong P1,000 boodle money. P800 cash, itim na belt bag at gamit niyang Nmax motorcycle.
Ani SDEU investigator P/MSg. Ana Liza Antonio, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Secions 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni NPD Director Capili ang operating team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng iligal na droga.
Dagdag niya, ang NPD ay nananatiling nakatutok sa maagap na pagpapatupad at sistematikong pagtugis sa mga nagkasala sa droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lugar ng CaMaNaVa. (Richard Mesa)