• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gagawing testimonya ni NBI Director Melvin Matibag sentro ng pagdinig ng senate impeachment court

BUONG ihahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang imbestigasyon hinggil sa pagbanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa susunod na pagdinig ng Senate impeachment court.

Ayon kay House prosecutor Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, ang paghahayag ay magiging sentro ng gagawing testimonya ni NBI Director Melvin Matibag sa darating na Martes, July 21.

“Sa darating pong Martes, si NBI Director Melvin Matibag ang huli pong isasalang ng prosekusyon para sa article on threats para tahiin ang kabuuan ng naging imbestigasyon ng NBI dito sa continuing threat ng Pangalawang Pangulo laban sa ating Pangulo at sa kanyang pamilya,” sinabi ni Ridon sa isinagawang press briefing nitong Biyernes. 

Si Matibag ang pinakahuling tetestigo sa fourth article of impeachment laban kay VP Duterte sa betrayal of public trust and other impeachable offenses. Ito ay tungkol sa ginawang pagbabanta ng Bise Presidente noong Nov. 23, 2024 online video na kung may nakausap na raw siya na papatay kay President Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kung sakaling may mangyari sa kanya.

Ayon kay Ridon, ipiprisinta ni Matibag ang “full Bureau reporting” ng NBI bukod pa sa digital forensic evidence at investigative findings na nailatag na ebidensiya sa impeachment court. 

“Hindi lang po ito cybercrime investigation katulad ng ginawa ni Atty. Lotoc at ni Agent Calilung, kundi ang iba pang mga ulat mula sa kabuuan ng opisina ng NBI,” sinabi ni Ridon sa pagtutukoy kina NBI Special Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc.

Sinabi naman ni Robert Ace Barbers, adviser at spokesperson ng House impeachment team, nananatiling malakas ang kaso ng prosecution laban kay VP Duterte.

“Nakita naman natin sa dalawang testimonya ng aming mga witnesses… hindi pa ho nagigiba ’yung credibility ng aming mga testigo,” sabi ni Barbers. 

Aniya, maski ang defense panel mismo ay ginamit ang authenticated video na naiprisinta ng prosecution nung ma-cross-examine si Calilung. 

“Itong ebidensyang in-authenticate ng aming unang witness ay in-authenticate rin naman ng panig ng depensa dahil kitang-kita na ginamit din nila itong ebidensyang ito,” sabi ni Barbers.

Binanggit din ni Barbers na ginamit ng NBI ang testimonya ni Lotoc bilang batayan sa pagsampa ng three counts of grave threats at one count of inciting to sedition laban kay VP Duterte. 

Matapos ang testimonya ni Matibag, inaasahang tatapusin ng House prosecution ang paglalatag ng ebidensya sa grave threats at uusad na ang paglilitis sa akusasyon na maling paggamit ng confidential funds. (Vina de Guzman)