5 MANGINGISDA HULI SA AKTONG ILLEGAL NA NANGINGISDA SA MANILA BAY
- Published on July 18, 2026
- by Francis Paolo Torres
LIMANG mangingisda ang arestado matapos maaktuhan ng mga operatiba ng Northern NCR Maritime Police Station na illegal na nangingisda sa katubigan ng Manila Bay sa isinagawang seaborne patrol operation, Huwebes ng umaga.
Alas-10:10 ng umaga ng Hulyo 16, 2026, nagsasagawa ng regular na seaborne patrol ang mga tauhan ng Northern NCR MARPSTA na nakataaga sa MLET Baseco sakay ng isang loaned patrol banca nang mamataan nila ang puting bangkang pangisda na may pangalang FBca ” ROCHELLE ” na aktuwal umanong gumagamit ng trawl o active fishing gear habang nangingisda sa katubigan ng Manila Bay, humigit-kumulang 5.79 kilometro mula sa dalampasigan ng Baseco Beach Port Area, Maynila.
Nagpakilala ang mga operatiba bilang mga miyembro ng PNP Maritime Group at humingi ng pahintulot na makasakay sa bangka, na kusang-loob namang ipinagkaloob ng kapitan bago isinailalim sa beripikasyon ang kanilang mga dokumento at permit sa pangingisda.
Dito, napag-alaman na ang nasabing bangka ay isang small-scale fishing vessel, na ipinagbabawal na mangisda sa loob ng municipal waters ng Lungsod ng Maynila. Bukod dito, napatunayang gumagamit ito ng active fishing gear o trawl, na mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa umiiral na batas sa pangisdaan.
Dahil dito, naresto ang mga sakay bangka na sina alyas Mario, alyas Rogelio at tatlo pang tripulante dahil sa paglabag sa Section 86 (Unauthorized Fishing) at Section 95 (Use of Active Gear in Municipal Waters, Bays and Other Fishery Management Areas) ng R.A 10654 bago ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Konstitusyon.
Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ang nasabing bangka na nagkakahalaga ng ₱500,000, isang FUSO marine engine na nasa ₱20,000 ang halaga, 30 metrong trawl fishing net na nasa ₱20,000 ang halaga at 40 kilong alamang na may kabuuang halagang ₱2,000.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Northern NCR MARPSTA ang mga inaresto at mga nakumpiskang kagamitan habang inihahanda ang kaukulang dokumentasyon bago ito i-endorso sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Capital Region (BFAR-NCR) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Ayon sa PNP Maritime Group, patuloy nilang pinapaigting ang pagpapatupad ng batas sa karagatan upang labanan ang iligal na pangingisda, pangalagaan ang yamang-dagat ng bansa, at tiyakin ang napapanatiling paggamit ng mga katubigan para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon.
(Richard Mesa)