Baccay, Umupo na Bilang Bagong Pinuno ng PRO-Calabarzon Palit kay Marantan
- Published on July 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
CALABARZON — Opisyal nang umupo ngayong Biyernes si Police Brigadier General Dominic Baccay bilang bagong Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 4A (Calabarzon). Pinalitan niya si PBrig. Gen. Hansel Marantan, na nagretiro na sa serbisyo matapos maabot ang mandatory retirement age na 56 taong gulang.
Si Baccay, na itinuturing na isa sa mga pinakabatang miyembro at karangalan ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Kapanalig” Class of 1997, ay hindi na bago sa rehiyon. Bago ang itinalagang liderato, nagsilbi na siya bilang Deputy Regional Director for Operations (DRDO) ng PRO-4A sa ilalim ng pamumuno ng dating Regional Director na si PBrig. Gen. Paul Kenneth Lucas. Dahil dito, kabisado na niya ang sitwasyong pampulitika, heograpiya, at mga katangiang pisikal ng buong rehiyon.
Nakuha naman ni Baccay ang kanyang ranggo bilang isang heneral (one-star general) noong siya ay italaga bilang Executive Officer ng PNP Directorate for Logistics (DL).
Inaasahang magiging malaking tulong ang kanyang malawak na karanasan sa operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Calabarzon.
(Yvonne Bagang/ Boy Morales)