Tiyak na ‘di malilimutan ang sama-samang pagtatanghal… SB19 at BEN&BEN, pangungunahan ang sold-out na Puregold OPM Con Generations 2026 (ni: ROHN ROMULO)
- Published on July 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
INAABANGAN na ng mga masuwerteng nakakuha ng tiket sa sold-out na Puregold OPM Con Generations 2026 ang tiyak na hindi malilimutang pagtatanghal ng pinakamalalaking pangalan sa OPM–SB19, Ben&Ben, Alamat, Flow G, Skusta Clee, SunKissed Lola, G22, KAIA, at XONARA.
Sa pagsasama-sama ng mga grupong P-Pop, banda, at nangunungang hip-hop artist na kilala sa buong mundo, inaasahang full house ang selebrasyon sa Araneta Coliseum sa Hulyo 11.
“This year’s lineup captures where OPM is today: diverse, evolving, and resonating with different generations of fans,” pahayag ni Ivy Hayagan-Piedad, Senior Marketing Manager ng Puregold Price Club Inc.
“Puregold OPM Con Generations 2026 uplifts a craft we proudly call ‘sariling atin’, built by passionate artists and loyal fans. When more people discover and appreciate OPM, more artists are empowered to create, and our entire nation moves forward together. That’s another side of what panalo means to us.”
Hindi na kataka-takang sold out ang konsiyerto. Tampok sa pagdiriwang ngayong taon ang mga artistang nakapag-ipon na ng bilyon-bilyong streams, tumanggap ng mga prestihiyosong parangal, may matatag na fandoms, at naipakilala ang OPM sa mga tagapakinig sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa pagsasama ng mga artistang kumakatawan sa iba’t ibang henerasyon at genre, ipinagdiriwang ng Puregold OPM Con Generations 2026 ang lawak at sigla ng makabagong musikang Pilipino.
Nangunguna sa lineup ang SB19, ang limang miyembrong P-Pop powerhouse na may impluwensiyang lampas na sa Pilipinas. Sila ang kauna-unahang Southeast Asian act na nominado sa Billboard Music Awards at patuloy na nagpapalawak ng kanilang pandaigdigang impluwensiya sa pamamagitan ng mga hit na “GENTO,” “MAPA,” at “DAM.” Sa suporta ng kanilang dedikadong fandom na A’TIN, naging isa ang SB19 sa pinakamalalaking pangalan sa pag-usbong ng modernong Filipino Pop.
Makakasama rin nila ang Ben&Ben, kinikilalang folk-pop band na lumikha at nagpasikat ng mga awiting puno ng damdamin. Ang mga kantang tulad ng “Kathang Isip,” “Leaves,” “Maybe the Night,” at “Araw-Araw” ay naging bahagi na ng mga playlist ng iba’t ibang henerasyon ng mga tagapakinig. Dahil dito, kinikilala ang siyam na miyembrong banda bilang isa sa mga pinakatanyag at pinakamaraming streams sa bansa.
Isa pang kumakatawan ng P-Pop ang Alamat, grupong nakilala dahil sa pagbibigay-pugay sa kulturang Pilipino. Sa paggamit ng mga katutubong wika, impluwensiyang etniko, at mga tradisyong panrehiyon sa kanilang musika, natatangi ang Alamat sa genre habang patuloy na lumalawak ang kanilang masugid na fandom na tinatawag na “Magiliw.” Bakas ito sa mga kantang “Maharani” at “Dagundong,” na matagumpay na pinagsasama ang mayamang kultura ng bansa at makabagong musika.
Hindi makokompleto ang isang malaking OPM event kung wala ang malakas na presensiya ng hip-hop, at hatid ito ngayong taon nina Flow G at Skusta Clee. Kapwa sila unang nakilala bilang miyembro ng Ex Battalion bago bumuo ng matagumpay na mga solong karera. Isa si Flow G ngayon sa pinakatanyag na rap artist sa bansa, na nagwagi ng mga pangunahing parangal tulad ng Wish Artist of the Year at Spotify KALYE Artist of the Year.
Patuloy na nananatiling paborito ng mga tagahanga ang kaniyang mga awit katulad ng “Rapstar” at “Praning.” Samantala, nakabuo naman si Skusta Clee ng tapat na fanbase sa pamamagitan ng mga hit na “Zebbiana” at “Dance With You,” dahilan upang maging isa siya sa pinakakilalang pangalan sa lokal na urban music scene.
Para naman sa mga mahilig sa feel-good anthems, dala ng SunKissed Lola ang kanilang natatanging timpla ng alternative pop-rock sa entablado ng Puregold OPM Con Generations. Ang breakout hit nilang “Pasilyo” ay naging isa sa pinakamalalaking OPM songs nitong mga nakaraang taon, habang ipinamalas naman ng mga sumunod na awitin tulad ng “Makalimutan Ka” at “White Toyota” ang kanilang husay sa pagsusulat ng mga kantang tagos sa puso. Dahil dito, bahagi na rin ng maraming playlist ang musika ng SunKissed Lola.
Bahagi rin ng lineup ang tatlong P-Pop girl groups na representasyon naman ng iba’t ibang yugto ng patuloy na pag-unlad ng genre. Kilala ang G22 bilang “P-Pop’s Female Alphas” dahil sa kanilang makapangyarihang mga boses at matitinding live performances. Patuloy namang pinatitibay ng KAIA ang kanilang pangalan sa pamamagitan ng mga pulidong pagtatanghal at mga awiting tampok ang empowerment, na unti-unting nagpapalawak ng kanilang fanbase. Samantala, isa sa pinakamalaking pagtatanghal ng XONARA ang kanilang paglahok sa OPM Con. Bilang kauna-unahang girl group ng 1Z Entertainment, magbibigay sila ng sulyap sa susunod na henerasyon ng P-pop.
Magkakaiba man ang naging landas ng bawat artista tungo sa tagumpay, iisa ang kanilang naging destinasyon—ang mapasama sa mga playlist, music charts, concert stages, at sa puso ng mga Pilipino. Sama-sama nilang ipinapakita ang lalim at lawak ng kasalukuyang OPM, habang pinagbubuklod ang iba’t ibang henerasyon ng mga tagapakinig, sari-saring estilo ng musika, at magkakaibang komunidad sa iisang pagdiriwang ng orihinal na musikang Pinoy. Ang natatanging pagsasamang ito ang dahilan kung bakit ang Puregold OPM Con Generations 2026 ay isa sa pinakaaabangang pagdiriwang ng taon.
Dahil sold-out na ang lahat ng upuan at tiket, nakatuon na ngayon ang pananabik sa mismong mga pagtatanghal. Sa Hulyo 11, masasaksihan ng libo-libong fans sa punong-punong Araneta Coliseum ang siyam na powerhouse acts na magbabahagi ng iisang entablado sa isang gabi, isang pambihirang karanasang minsan lamang mangyari.
Para sa mga update, i-like ang @puregold.shopping sa Facebook, mag-subscribe sa Puregold Channel sa YouTube, at sundan ang @puregold_ph sa Instagram at X, at @puregoldph sa TikTok. (ROHN ROMULO)