19-anyos na teenager na akusado sa 4 na bilang ng rape sa Malabon, himas-rehas
- Published on July 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
HIMAS-REHAS ang 19-anyos na teenager na akusado sa apat na bilang ng pangaggahasa nang maaresto ng pulisya sa pinaigting na operation laban sa mga wanted na indibidwal sa Malabon City.
Sa report ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado ay isang resort supervisor at residente ng Barangay San Agustin, ng nasabing lungsod.
Nang maglabas ang Regional Trial Court, Branch 73, Malabon City ng Order of Custody laban sa akusdo ay kaagad naman itong ipinatupad ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SS4) ang nasabing Order of Custody para sa (4) counts of Rape na may inilaang piyansa na P100,000 bawat bilang.
Matapos nito, dinala ang akusado sa Ospital ng Malabon para medical examination bago tinurnover sa Malabon City Police Station Custodial Facility kung saan siya pansamantalang ikukulong habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.
Patuloy namang hinihikayat ng NPD ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong pinaghahanap ng batas at iba pang kahina-hinalang aktibidad. (Richard Mesa)