• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa ikalawang araw…Viral video ni VP Sara Duterte pinalabas sa impeachment trial

IPINALABAS sa Senate impeachment court ang video ng online press conference ni Vice President Sara Duterte noong Nobyembre 2024 bilang bahagi ng presentasyon ng ebidensya ng House prosecution sa ikalawang araw ng impeachment trial.

Sa naturang video, narinig ang pahayag ni Duterte na nagsasabing may inutusan siyang patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.

Ang naturang video ay bahagi ng mga ebidensyang iniharap kaugnay ng mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint laban sa bise presidente.

Samantala, nagsimula ang presentasyon ng mga testigo sa ikalawang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos iharap ng House prosecution ang unang witness na si John Mark Calilung ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division.

Tinalakay ni Calilung ang proseso ng pagpreserba at pag-authenticate ng video ng online press conference ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024 na ginagamit ng prosecution bilang ebidensya sa artikulo ng grave threats.

Paulit-ulit namang tumutol ang depensa sa testimonya at sa mga dokumentong iniharap, ngunit ibinasura ni presiding officer Sen. Chiz Escudero ang karamihan sa mga objection upang magpatuloy ang pagdinig.

 (DARIS JOSE)