• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Lumang bodega, tinupok ng apoy sa Valenzuela

SUMIKLAB ang sunog sa isang lumang bodegang imbakan ng mga scrap na dahilan upang matupok ito sa Valenzuela City, Martes ng umaga .

Hindi pa batid ang dahilan ng pagsiklab ng sunog sa lumang bodega sa Molina St. Brgy. Veinte Reales pasado alas-7:00 ng umaga na kaagad itinaas sa ikalawang alarma bandang alas-7:51 matapos ang malakas na lagablab ng apoy at makapal na itim na usok.

Kaagad namang nakontrol ng mga nagrespondeng tauhan ng Valenzuela City Bureau of Fire Protection (BFP), sa ilalim ng pangangasiwa ni City Fire Marshal F/Supt. Ma. Theresa Alqueza ang sunog dakong alas 8:30 ng umaga, kaya’t hindi na kumalat ang apoy sa mga katabi pang istraktura.

Alas-9:22 ng umaga nang tuluyang maapula ng mga bumbero ang apoy na tumupok sa hindi pa batid na halaga ng iba’t ibang uri ng scrap na plastic, metal, at hindi pa batid na uri ng kemikal na nakalagay na mistulang supot ng semento.

Wala namang napaulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog habang patuloy pa rin inaalam ng mga awtoridad ang dahilan ng pagsiklab ng apoy. 

(Richard Mesa)