Quezon City LGU pinawi pangamba sa pagtaas ng Covid-19
- Published on July 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
TAHASANG sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na walang dapat na ikaalarma ang publiko sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Quezon City sa nakalipas na tatlong linggo dahil nananatili itong “manageable”.
Ayon kay Belmonte, mahigpit na mino-monitor ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon kaya hindi dapat na maalarma ang QCitizens.
“We assure the public that the city government is closely monitoring these developments. While there has been an increase in cases, they still represent a very small percentage of our total population. We are not seeing any clustering of cases, and all reported infections have been mild and isolated,” ani Belmonte.
Sinabi pa ni Belmonte na patuloy na magbibigay ang City Health Department ng angkop na serbisyong medikal sa mga residenteng makakaranas ng kahalintulad na sintomas sa pamamagitan ng mga city health center at mga ospital ng lungsod.
Hinikayat din niya ang publiko na manatiling mapagmatyag ngunit huwag mag-panic, at agad na magpatingin sa doktor kung makaranas ng sintomas, kasabay ng patuloy na pagsunod sa mga simpleng hakbang sa pag-iwas upang maprotektahan ang sarili at ang komunidad.
Base sa talaan ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (CESD), nasa 23 na kaso ng COVID-19 ang naitala mula Mayo 21 hanggang Hunyo 10. Tumaas pa ito sa 84 na kaso mula Hunyo 11 hanggang Hulyo 1.
Ayon kay Belmonte, patuloy na nagbibigay ng libreng medical consultations ang 66 health centers sa lungsod at nagbibigay ng libreng COVID-19 testing at mga gamot.