No. 1 top most wanted person ng NCRPO sa kasong murder, nakorner sa Navotas
- Published on July 7, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGWAKAS na ang mahigit isang taon na pagtatago ng 42-anyos na lalaki na wanted sa kasong Murder matapos masukol ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Navotas City.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado na residente ng lungsod ay nakatala din bilang No. 1 Top Ten Most Wanted Person sa NPD.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela na muling naispatan ang presensya ng akusado sa lungsod nang magtago makaraang malaman na mayroon siyang arrest warrant.
Kaagad ikinasa ang operation ng Warrant and Subpoena Section ng Navotas Police ang manhunt operation laban sa akusado hanggang sa makorner siya sa Green Zone, Road 10, Brgy. NBBN, ng lungsod.
Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Murder na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 287, Navotas City, noong February 26, 2025 na walang inirekomendang piyansa.
Isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga wanted na indibidwal at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at hustisya sa Lungsod ng Navotas.
(Richard Mesa)