• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Karapatan ng taumbayan na marinig ang ebidensya at maintindihan ang mangyayari sa impeachment trial 

“KAHIT na sino pa ang maging presiding officer, handang-handa na kami magprisenta ng aming mga ebidensya at testigo.”

Ito ang pahayag ni House prosecution trial spokesman Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong matapos mahalal si Sen. Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court sa Senado.

“Buong respeto po naming igagalang ang desisyon ng ating mga kagalang-galang na Senator-Judges at ng buong Impeachment Court,” sinabi ni Adiong.

Nauna dito, nahalal si Escudero ng mayorya ng mga senador sa botong 12 laban sa walo sa hanay ni Sen. Alan Peter Cayetano.

Nagpahayag ng pagtutol si Cayetano sa paghalal ni Escudero at pinagpilitan nito na ang dapat mamuno ay si Senate President Win Gatchalian.

Nagkaroon ng debate ang mga senador at kalaunan ay nauwi sa botohan sa pabor ni Escudero na mamuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Nauna dito, sinabi ni Adiong na ang House prosecution panel ay nananawagan sa lahat ng partido na huwag hadlangan ang constitutional process at hayaan ang impeachment court na dinggin ang ebidensiya.

Ayon kay Adiong, ang Senado, bilang impeachment court ay ang tamang forum para matukoy ang katotohanan, hindi sa “court of public opinion.”

“The Senate impeachment court will begin a process that our Constitution clearly provides for. As we have consistently said, this is not about personalities or politics. This is about allowing our institutions to do their work,” sabi ni Adiong.

“Our simple appeal is this. Let the trial begin. Let the evidence be presented, and let both sides be heard. The Filipino people deserve nothing less than a fair, orderly, and transparent process.”

Idinagdag ni House trial spokesperson Kabataan party list Rep. Renee Co na nakasalalay ang kinabukasan ng demokrasya ng bansa sa ginaganap na impeachment trial.

“Dapat nating baybayin ang ebidensya para masagot ang mga matagal na nating tanong ng taumbayan,” pahayag ni Co. 

“The public deserves to hear the evidence. Karapatan ng taumbayan na marinig ang ebidensya at maintindihan ang mangyayari.” (VINA de GUZMAN)