Simula na ng impeachment trial ngayon…VP Sara mas mabuting dumalo sa trial – PBBM
- Published on July 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
NANINIWALA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas magiging madali na malaman ang lahat kung dadalo sa impeachment trial si Vice President Sara Duterte.
Inatasan ng impeachment court si Duterte na humarap sa kanyang paglilitis sa Hulyo 6 “nang personal o sa pamamagitan ng abogado.”
Sinabi ni Marcos na bagaman at nasa akusado kung haharap o hindi, makabubuti kung ang akusado ay direktang makasasagot at hindi sa pamamagitan ng mga abogado. Si Marcos ay nagsilbi ring senator-judge noong impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
“Kung diretsong makapagsagot, ‘di syempre mas magiging maliwanag ang proseso, mas magiging madali ang proseso. But that’s just my own opinion and that’s not a legal opinion,” napaulat na sinabi ni Marcos sa panayam ng mga reporters sa Vancouver.
Ayon sa Pangulo, kung siya ang akusado ay personal siyang haharap at sasagutin ang mga paratang.
“If they (lawyers) advise me not to appear, I would insist on appearing,” ani Marcos.
Nauna nang sinabi ng isa sa mga abogado ni Duterte na si Michael Poa na maaaring humarap ang Bise Presidente sa paglilitis kung kinakailangan.
Ngayong araw nakatakdang magsimula ang impeachment trial ni VP Duterte.
(DARIS JOSE)