• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, SINUSPINDE ANG OPERASYON NG 8 BUS DAHIL SA MALAGIM NA AKSIDENTE

PANSAMANTALANG sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, sa loob ng 30 araw ang walong bus ng isang kumpanya kaugnay ng naganap na malagim na aksidente sa kalsada sa harap ng isang ospital sa Santiago City, Isabela.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, nasawi ang isang pedestrian matapos magtamo ng matinding pinsala sa insidenteng naganap noong Hunyo 11.

“Lubos ang aming pakikiramay sa pamilya ng biktima. Nauunawaan namin ang kanilang pagdadalamhati, at nais naming tiyakin na gagawin ng LTFRB ang lahat ng nararapat upang matiyak ang pananagutan at katarungan para sa insidenteng ito,” ani Chairman Vigor.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan ng kontrol ang driver ng bus habang bumibiyahe sa national highway at nabangga ang isang babaeng pedestrian sa harap ng ospital. Nadamay rin sa aksidente ang isang pick-up vehicle na nasa kabilang lane.

Batay sa pinakahuling ulat, binawian ng buhay ang pedestrian habang dalawa namang pasahero ng bus ang nasugatan.

Sa inilabas na show cause order (SCO), inatasan ng LTFRB ang operator ng Pangasinan Five Star Bus, Inc. na magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang Certificate of Public Convenience. Inatasan din ang kumpanya na isailalim sa drug test ang driver, ipa-roadworthiness inspection ang walong bus na nasuspinde, at isuko ang mga plaka ng mga ito.

Ayon kay Chairman Vigor, layunin ng imbestigasyon na matukoy kung maayos na ipinatutupad ng kumpanya ang mga alituntunin sa kaligtasan sa kalsada. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mahigpit na pagsunod ng mga operator at driver ng pampasaherong sasakyan sa mga umiiral na batas at regulasyon sa kalsada.

Nakatakda ang pagdinig sa Hulyo 7. Kabilang sa mga tatalakayin dito kung nakapagbigay ba ng kinakailangang tulong ang kumpanya sa pamilya ng nasawi at kung nakatulong ito sa pagproseso ng insurance claims para sa mga biktima ng aksidente. 

(PAUL JOHN REYES)