Likha ng Oscar-nominated Filipino-American animator…DINGDONG at ZIA, kabilang sa voice cast ng animated seriesna “Sun Chaser” (ni: ROHN ROMULO)
- Published on June 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
MAGKASAMA ang mag-amang Dingdong Dantes at Zia Dantes sa isang animated fantasy adventure series na “Sun Chaser”.
Kabilang nga sina Dingdong at Zia sa voice cast ng “Sun Chaser,” isang bagong animated series na nilikha ng Oscar-nominated Filipino-American animator na si Bobby Pontillas.
Napapanood ang first episode ng serye sa opisyal na YouTube channel ng “Sun Chaser.”
Tampok sa serye ang makukulay na elemento ng Pinoy myths, kultura, at mahika na siguradong magbibigay ng kakaibang viewing experience sa mga manonood.
Umiikot ang kwento sa karakter ni Jordan Santos, isang binatang umuwi lamang sana sa Pilipinas para magbakasyon.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, masasangkot siya sa isang misteryoso at supernatural na panganib na magpapayanig sa kanilang isla.
Dahil diyan, mapipilitan si Jordan na yakapin ang kanyang kapalaran bilang tagapagtanggol sa pagitan ng mundo ng tao at ng mga espiritu.
Sa Instagram post ng PPL Entertainment, ibinahagi ang balita na si Dingdong ang magbibigay-boses sa mabagsik na kontrabidang si Necrofost.
Ayon naman sa Toon City Animation, isa si Necrofost sa pinakamalaki at pinaka mapanganib na kalabang haharapin ng mga bida sa serye.
Hindi naman nagpahuli ang panganay na anak nina Dingdong at Marian Rivera na napiling bumoses sa karakter na si Sessa.
Sa kuwento, si Sessa ang pinsan ng bidang si Jordan, na bibigyang-buhay naman ng Fil-Am Hollywood actor na si Manuel Jacinto.
Mas lalong umiinit ang excitement para sa “Sun Chaser” dahil bukod sa mag-ama, tampok din sa cast ang ilang malalaking pangalan sa local at international entertainment scene.
Kabilang sa mga mapapakinggan sa serye sina Liza Soberano, Charo Santos, AC Bonifacio, KD Estrada, gayundin ang Fil-Am Hollywood actors na sina JR De Guzman at Eugene Cordero.
***
MATET, sukang-suka na sa isyu at wala nang pakialam kay IAN
MULING pinatulan ni Matet de Leon ang isang netizen na nag-react tungkol sa naging sagutan ng mga kapatid na sina Lotlot de Leon at Ian de Leon.
Dahil ito sa mainit na isyu ng mana mula sa yumao nilang ina na Superstar at National Artist na si Nora Aunor.
Sa TikTok video ni Matet na kung saan nili-lipsync niya ang kantang “Banal Na Aso, Santong Kabayo”, isang netizen ang nag-komento…
“[S]akin lang nmn tama na, sana maresolve privately.”
At sinagot nga ito ng aktres, “Kami ba ang gago? O ang mga tao? Nananahimik kami. Mana ng mana. Nakaka suka naaaaaaa!”
Dagdag pa niya, wala silang aayusin at ayaw rin niyang i-resolve…
“Wala kami ire-resolve. Ayoko mag-resolve. Manahimik na lang mga kupal na nagco comment na akala eh alam lahat. Ok na yun.”
Matinding hirit pa niya, “Wala akong pakialam kay Ian.”
Matatandaang nagiang ng emosyonal pahayag ni Lotlot tungkol sa umano’y kasinungalingan ni Ian.
Agad namang bumuwelta si Ian sa kanyang Facebook page at sinabing, “Enough with the lies? You stop. You stop telling lies especially to my dad.”
Inaabangan naman kung muling magbibigay ng reaksyon si Lotlot sa mga sinabi ng kanyang kapatid.