Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, susunod na AFP chief of staff
- Published on January 29, 2021
- by @peoplesbalita
KINUMPIRMA ng Malakanyang na si Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang susunod na Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na umaasa sila na ipagpapatuloy ni General Sobejana na gawing makabago ang militar at gumawa ng reformang inisyatiba upang maging “truly professional” ang Armed Forces sa mandato nito bilang protektor ng mga mamamayan at estado.
“We wish General Sobejana all the best in his new tour of duty as we pray for his success,” ayon kay Sec. Roque.
Sa ulat, isa si Sobejana sa pangalan na nasa listahan na naisumite kay Pangulong Duterte na posibleng hahalili kay AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay.
Magreretiro na kasi sa darating na Pebrero 4 si Gapay, na itinalaga bilang pinuno ng hukbong sandatahan noong Hulyo ng nakalipas na taon.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, posibleng ngayong linggo na malaman kung sino ang susunod na hihirangin bilang AFP chief.
Bukod kay Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, sinasabing ilan sa mga posibleng kandidato bilang kapalit ni Gapay ay sina Navy chief Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo, Air Force chief Lt. Gen. Allen Paredes, Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Antonio Parlade, Northern Luzon Command chief Lt. Gen. Arnulfo Burgos, at iba pang mga area commanders.
Dumaan naman sa mabusising pag-aaral ng AFP Board of Generals ang mga seinor military officials ang napiling irekomenda kay Pangulong Duterte. (Daris Jose)