Apat na respetadong icons sa Philippine cinema:JOHN, EDGAR, RIO at JANICE, pararangalan sa ’The 9th EDDYS’ (ni: ROHN ROMULO)
- Published on June 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
APAT na respetadong icons sa Philippine cinema ang pararangalan sa ika-siyam na edisyon ng The EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors’ (SPEEd) na gaganapin sa ika-5 nang Hulyo 5 sa Ceremonial Hall ng Marriott Hotel, Newport World Resorts sa Pasay City.
Sa pagpapatuloy ng tradisyon na pagkilala sa mga gumawa ng pangmatagalan at makabuluhang kontribusyon sa lokal na paggawa ng pelikula, igagawad ng The EDDYS ang ‘2026 Movie Icon Award’ kina John Arcilla, Edgar Mortiz, Rio Locsin at Janice de Belen.
Kinikilala ng parangal ang kanilang dedikasyon sa kanilang propesyon at ang malaki nilang kontribusyon sa pagpapataas ng pamantayan ng mga pelikulang Pilipino.
Ibibigay rin ang Isah V. Red Award sa mga indibidwal na nagbibigay-inspirasyon at tumutulong sa kapwa Pilipino sa pamamagitan ng makabuluhang mga hakbangin, habang ang Joe Quirino Award at Manny Pichel Award, ay kumikilala sa mga natatanging miyembro ng entertainment media.
Ang mga tatanggap ng Isah V. Red Award ngayong taon ay ang corporate leader and philantropist na si Chaye Cabal Revilla at ang aktor na si Donny Pangilinan.
Si Chaye Cabal Revilla, Executive Director at Chief Finance, Risk and Sustainability Officer ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), ay kinikilala bilang founding chair ng Gabay Guro, isa sa pinakamalaki at pinakamatagal na programa na ang adbokasiya ay edukasyon para sa mga guro sa bansa.
Isang flagship initiative ng PLDT-Smart Foundation, ang Gabay Guro ay gumugol ng halos dalawang dekada sa pagsuporta sa mga Filipino educators sa pamamagitan ng scholarships, training at iba pang welfare programs.
Naging inspirasyon din si Cabal Revilla sa maraming personalidad mula sa entertainment industry para itaguyod ang layunin sa pamamagitan ng kanilang paglahok sa taunang Grand Gathering and Teachers’ Tribute ng Gabay Guro.
Samantala, nakamit ni Donny Pangilinan ang pagkilala matapos magkaroon ng inisyatibo na magbigay ng diskwento sa diesel sa kanilang family-owned gas station sa Cavite sa panahon ng krisis sa langis noong Marso, na tumulong sa mga motorista na makayanan ang pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ang Joe Quirino Award ay ibibigay sa direktor at songwriter na si Joven Tan, na matagumpay na nakagawa ng pangalan mula sa entertainment journalism tungo sa paggawa ng pelikula at nakapagdirek ng higit sa isang dosenang pelikula.
Ang Manny Pichel Award ay ipagkakaloob sa television reporter na si Lhar Santiago bilang pagkilala sa kanyang ilang dekada nang kontribusyon sa entertainment journalism. Si Santiago ay naging editor ng tabloid na Masa noong 1980s at nagsulat din ng entertainment column para sa The Manila Times.
Habang naghahanda para sa nalalapit na Gabi ng Parangal, masusing isinasagawa ang proseso ng screening at deliberasyon ng SPEEd upang matukoy ang mga nominado ngayong taon. Regular na nagtitipon ang mga miyembro ng organisasyon sa Luxent Hotel sa Quezon City, ang official screening venue partner ng The EDDYS, kung saan ang mga pelikulang ipinalabas sa panahon ng eligibility ay maingat na tinitingnan, sinusuri at tinatalakay bago ihayag ang huling listahan ng mga nominado.
“Ang Eddys ay taunang pagpaparangal sa mga taong ang passion at dedikasyon ay makatulong sa paghubog ng pelikula sa Pilipinas. Ang mga tumatanggap ng Movie Icon Award ngayong taon ay gumugol nang ilang dekada upang bigyang-buhay ang mga hindi malilimutang kuwento at karakter,” pahayag ni SPEEd President Tessa Mauricio-Arriola.
“Ang aming mga special awardees, sa kabilang banda, ay gumawa ng makabuluhang kontribusyon sa loob at labas ng industriya ng entertainment. Sa pamamagitan ng mga pagkilalang ito, ipinagdiriwang namin ang kahusayan, serbisyo, at ang pangmatagalang epekto ng ginawa ng mga indibidwal na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga Pilipino,” dagdag pa niya.
Bukod sa mga espesyal na pagkilala, ang The EDDYS ay magbibigay ng 14 acting at technical awards na pinili mula sa mga pelikulang ipinalabas sa mga sinehan at sa mga digital platform sa panahon ng eligibility.
Ang The EDDYS ay isang taunang kaganapan na kumikilala sa mga nagawa at kontribusyon ng mga filmmaker, aktor, manunulat, direktor at producer sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Itinatag noong 2015, ang SPEEd ay isang non-profit na organisasyon na binubuo ng mga entertainment editors mula sa mga pambansang broadsheet, nangungunang tabloid at pangunahing online news portals.