• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

P62.5 MILYONG SUBSIDIYA SA PLM, IPINAGKALOOB NI YORME

IPINAGKALOOB ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang tsekeng nagkakahalaga ng P62.5 milyon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) bilang subsidiya para sa ikalawang quarter ng 2026.

Tinanggap ang tseke ni PLM President Atty. Domingo “Sonny” Reyes Jr. sa isinagawang turnover ceremony.

Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ang naturang pondo ng patuloy na pagsisikap na maibalik ang regular at sapat na subsidiya para sa PLM, matapos umanong makaranas ng kakulangan sa pondo dahil sa naantalang at hindi kumpletong paglalabas ng subsidiya noong nakaraang administrasyon.

Bago ang unang termino ni Domagoso bilang alkalde, nasa P250 milyon ang taunang subsidiya ng lungsod sa PLM. Itinaas niya ito sa P360 milyon, ngunit kalaunan ay ibinaba sa P210 milyon sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Iginiit ng pamahalaang lungsod na nakatuon ito sa pagpapanumbalik at higit pang pagpapalawak ng subsidiya sa PLM bilang bahagi ng pangmatagalang plano na mapalakas ang kakayahan ng unibersidad sa paglikha ng mas maraming mga propesyunal sa larangan ng kalusugan na magsisilbi sa publiko.

Noong Pebrero 2026, sinimulan ng lungsod ang pagtatayo ng PLM College of Allied Health Sciences Building sa loob ng Ospital ng Maynila Medical Center complex, isang proyektong suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay Domagoso, sa pamamagitan ng bagong gusali ay mapapalawak ang hospital-based training para sa mga mag-aaral ng medisina, nursing, at iba pang allied health programs. Inaasahan din nitong tataas ang taunang kapasidad ng unibersidad mula 300 estudyante tungo sa 5,000.

Kilala rin ang PLM sa mahusay nitong rekord sa mga licensure examination, kung saan kabilang ang College of Medicine sa mga nangungunang institusyon sa bansa, habang ang mga programa nito sa Nursing at Physical Therapy ay nakapagtala ng halos perpekto hanggang perpektong passing rates at maraming topnotchers sa mga pambansang pagsusulit. (Gene Adsuara)