₱40-MILYONG PONDO PARA SA PAGHAHAIN NG KASO NG EXPROPRIATION UPANG MASIGURO ANG TIRAHAN NG MGA BIKTIMA NG SUNOG SA MAYHALIGUE
- Published on June 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
INAPRUBAHAN ng Ika-13 Konseho ng Lungsod ng Maynila, sa pangunguna ni Presiding Officer at Vice Mayor Chi Atienza, ang ₱40-milyong pondo na magsisilbing legal na deposito para sa paghahain ng kaso ng expropriation ng mga pribadong lupain sa Mayhaligue, Distrito 2, upang matugunan ang suliranin sa pabahay ng mga residente.
Ang bagong panukala, Ordinansa Blg. 9192, ay naipasa sa ikatlo at pinal na pagbasa matapos ang pagpupulong sa pagitan ng mga apektadong residente at ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kung saan nangako ang alkalde na wakasan ang kanilang ilang dekadang pangamba, agad na iniharap ang panukala sa konseho at nagkakaisang inaprubahan sa kanilang sesyon noong hapon.
Ang ordinansa ay inakda nina Konsehal Darwin “Awi” Sia, Edward Tan, John Christopher “Bolong” Sy, at Raymundo “Mon” Yupangco ay naglalayong matiyak ang pagmamay-ari ng lupang tinitirhan ng mga matagal nang residente at mga kamakailang biktima ng sunog na kasalukuyang nahaharap sa banta ng pagpapaalis.
Sa sesyon, ipinaliwanag naman ni Vice Mayor Atienza na ang mabilis na pag-apruba sa ₱40-milyong pondo ay bunga ng maagap at matatag na pamumuno ng alkalde, lalo na nang matuklasang hindi pala naisakatuparan nang maayos ng nakaraang administrasyon ang proseso ng expropriation.
“Umasa po kasi ang mga taga-Mayhaligue dahil may tinalagang ordinansa na nag-promise po ang administrasyon dati na sila po ay mae-expropriate-an. Ngunit ngayong araw, nang sila ay pumunta sa opisina ng ating alkalde, napag-alaman natin na hindi pala na-pondohan ang ordinansang ‘yon at napaasa lamang ang komunidad,” pahayag ni Atienza.
“Nangako po ang ating alkalde that he will do everything that it takes para maibalik ang property sa mga taga-Mayhaligue. Kaya itong appropriation ordinance natin, paghahanda ito upang maibalik sa mga tao sa Ikalawang Distrito ang property na ipinangako sa kanila ng dating administrasyon.” ayon pa sa Bise.
Binigyang-diin din ng bise alkalde na katuwang ng konseho ang alkalde sa pagsasakatuparan ng kanyang mga layunin para sa lungsod.
“Kanina lang nag-meeting tayo kasama ang Mayhaligue community at nang sinabi po ng ating alkalde na tapusin na kaagad ito, ito po ang ginawa ng 13th City Council. Ganoon kabilis kumilos ang administrasyong ito,” pagtatapos ni Atienza.
Para sa mga pamilya ng Mayhaligue, ang mahabang panahon ng pangamba at pag-asa sa mga dokumentong hindi naman napondohan ay maaaring magtapos na. Sa gabay ng matibay na paninindigan ni Mayor Domagoso at sa buong suporta ng Ika-13 Konseho ng Lungsod, ipinakita ng pamahalaang lungsod na ang kanilang pamumuno ay hindi nakabatay sa mga pangakong walang katuparan, kundi sa agarang pagkilos at kongkretong solusyon. (Gene Adsuara)