Inagurasyon ng Legal Aid Help Desk, pinangunahan ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno
- Published on June 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINANGUNAHAN ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang inagurasyon ng House of Representatives Legal Aid Help Desk, na magbibigay ng tulong sa mga ordinaryong Pilipino na nahihirapan sa pagkuha ng free legal assistance at hustisya dahil sa financial constraints.
Sa kanyang pagsasalita sa inagurasyon ng Legal Aid Help Desk, sa pakikipagtulungan ng House of Representatives Legal Affairs Department at Integrated Bar of the Philippines (IBP) Quezon City Chapter sa ilalim ng Supreme Court’s Unified Legal Aid Service Program, inihayag ni Diokno ang importansiya na mayroong legal assistance na makukuha ang mga nagangailangan ng tulong.
“Kung ikaw ay isang ordinaryong mamamayan na naghahanap-buhay araw-araw para lang maitaguyod ang iyong pamilya, ang tingin mo sa batas ay isang labirinto, isang magastos, matagal, at masalimuot na sistema na para lang sa mga mayayaman at may kapangyarihan,” ani Diokno. Kaya naman kapag ang isang mahirap ay nahaharap sa legal na problema, madalas ang unang tanong niya ay hindi kung ano ba yung kanyang karapatan kundi saan ako kukuha ng pambayad sa abogado.”
Nanawagan din ang mambabatas sa mga kasamahang kongresista na agad ipasa ang kanyang House Bill No. 7305, na nagsusulong sa pagbuo ng Joint Congressional Commission on Justice System Reform (JUSTCOM) na siyang magsasagawa ng rebyu sa justice system ng bansa at magrekomenda ng long-term reforms para mapabuti ang accountability at access sa hustisya.
“The crisis we face in the justice system, while it’s not often discussed, is just as bad as the crisis we face in our educational system. At hangga’t hindi natin maayos yung sistemang ‘yan…hindi pa rin tayo magkakaroon ng sapat na pananagutan, impunity pa rin at impunity ang mararamdaman ng ordinaryong Pilipino,” ani Diokno.
Layon ng HB 7305 na matugunan ang iba’t ibang mga isyu tulad ng case backlogs, mahabang pre-trial detention, jail overcrowding, limited access to legal assistance, weak accountability, at pagbaba ng tiwala sa justice system.
(Vina de Guzman)