DRIVER NA NAKA-HIT & RUN NG HPG OFFICER, TUKOY NA NG LTO
- Published on June 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
NATUKOY na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagkakakilanlan ng driver ng Jetour SUV na sangkot sa viral na hit-and-run incident sa South Luzon Expressway (SLEX) na ikinapinsala ng isang miyembro ng Highway Patrol Group (HPG).
Matatandaang agad na umaksyon ang LTO kaugnay ng insidente at naglabas ng press release na may pamagat na “Viral na Hit-and-Run sa SLEX na Nagdulot ng Pinsala sa HPG Officer, Inaksyunan ng LTO; Driver na Tumakas, Suspendido, Sasakyan Inalarma Rin,” kung saan inihayag ang pagpapalabas ng Show Cause Order (SCO).
Ayon sa Intelligence and Investigation Division (IID), nakumpirma na ng LTO ang pagkakakilanlan ng mismong driver na nagmamaneho ng sasakyan sa oras ng insidente matapos ang masusing beripikasyon at koordinasyon sa HPG. Ang pagkakatukoy sa driver ay isinagawa kasunod ng pagsuko nito sa HPG at pagberipika ng mga rekord at datos na hawak ng LTO.
Dahil dito, magpapatuloy ang pagdinig at imbestigasyon upang matukoy ang kabuuang pananagutan kaugnay ng insidente.
Nananatiling suspendido ang driver’s license ng naturang driver sa ilalim ng 90-day preventive suspension habang nagpapatuloy ang pagdinig ng kaso.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, “Ang mahalaga sa puntong ito ay natukoy na ang driver at maayos nang isasailalim sa proseso ng imbestigasyon. Patuloy nating sisiguraduhin na mananagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa pagtakas matapos ang isang aksidente. Hindi dapat isipin ng sinuman na maiiwasan ang pananagutan sa simpleng pag-alis sa lugar ng insidente.”
Muling tiniyak ng LTO na paiiralin nito ang due process sa pagresolba ng kaso habang mahigpit na ipinatutupad ang mga batas at regulasyon para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng lansangan.
(PAUL JOHN REYES)